Omicron-specific booster ‘di na kailangan – RITM expert

Omicron-specific booster ‘di na kailangan – RITM expert

February 24, 2022 @ 8:08 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Walang nakitang malakihang pagkakaiba sa proteksyon naibibigay ng kasalukuyang Moderna COVID-19 booster vaccine kumpara sa ginagawang Moderna Omicron-specific booster dose laban sa nasabing nakahahawang variant, ayon sa resulta ng isang pag-aaral.

Sa isang forum, ipinaliwanag ni Dr. Mario Jiz ng Research Institute for Tropical Medicine ang nasabing pag-aaral na isinagawa ng isang laboratoryo na nakabase sa US.

Sa naturang pananaliksik, binigyan ang mga non-human primates na magkakaibang doses ng Moderna COVID-19 vaccine.

Ang isang grupo ay binigyan ng orihinal na booster shot ng Moderna, habang ang isa ay ang booster shot ng nasabing brand pero partikular na inaatake nito ang Omicron variant.

Ipinakita ng data na ang neutralizing antibodies ng mga nabakunahan ng orihinal na dosis ay may pagtaas ng 2,980 laban sa Omicron dalawang linggo pagkatapos matanggap ang booster shot.

Samantala, ang mga antibodies ng mga binigyan ng Omicron-specific booster ay tumaas sa 1,930 pagkatapos ng dalawang linggo.

“Collectively, the data showed that boosting with either the same homologous Moderna vaccine that we are currently providing to everybody right now or the exploratory Omicron-variant vaccine, they both lead to comparable and significant increases in neutralizing antibody responses against all variants of concern, including Omicron,” paliwanag ni Jiz.

Matapos nito, hayagan sinabi ng eksperto na hindi na kailangan sa ngayon ng booster shot na umaatake partikular sa Omicron dahil gumagana naman ang kasalukuyang mga bakuna laban sa kahit anong variant.

“So again, the booster that we’re giving now is effective against Omicron so we don’t need to have an Omicron-specific vaccine, for now, kasi the current vaccines that we have are already effective against Omicron,” iginiit niya sa huli. RNT