OMICRON VARIANT SISTER NASA PINAS AT INDIA NA

OMICRON VARIANT SISTER NASA PINAS AT INDIA NA

January 25, 2022 @ 10:32 AM 8 months ago


LUMILITAW na nasa Pilipinas at India na ang sister o kapatid ng Omicron variant na unang natagpuan sa United Kingdom kamakailan.

BA.2 ang tawag sa bagong anyo ng Omicron variant na tinagurian namang BA.1.

May 53 nang BA.2 sa UK hanggang Enero 10 samantalang kalahati ng mga kasong Omicron sa Denmark ay sa BA.2.

Sinabi ni Tom Peacock, virologist mula sa Imperial College of London na BA.2 na ang malaking bahagi ng Omicron variant sa India at Pilipinas at kumakalat ito sa Denmark, Germany at UK.

May paniniwalang mas higit na nakahahawa ito kaysa sa BA.1 subalit pinag-aaralan pa kung nakalilikha ito ng severe o malalang COVID at aabutin umano ang pag-aaral ng ilang linggo mula ngayon.

MABILIS MAKAHAWA ANG OMICRON

Sa India, noong Enero 1, 2021, mahigit 22,000 lang ang may COVID.

Pero mabilis na dumami ang biktima at pagdating ng Enero 6, mahigit 117,000 na ang biktima at naging mahigit sa 247,000 nitong Enero 13 at naging mahigit 317,000 na nitong Enero 20 at mahigit 333,000 kahapon.

Halos naging kasabay ng India ang Pilipinas sa pagdami ng may COVID na nasa 3,500 lang noong Enero 1, 2022 na naging mahigit 38,000 noong Enero 16 at bumaba sa mahigit 22,000 sa mga sumunod na araw at muling umakyat sa nasa 30,000 araw-araw.

MGA PAGKAKAIBA NG BA.1, BA.2 AT DELTA VARIANT

Pinag-aaralan na ng Statens Serum Institute ng Denmark ang pagkakaiba ng BA.1, BA.2 at Delta variant para matukoy ang mga karampatang aksyon laban sa BA.2 sa partikular.

Ayon sa nasabing institute, may taglay na (Spike)S-gene ang BA.2 na wala sa BA.1.

Naging madali umano ang pagkilala sa BA.1 dahil wala itong S-gene kumpara sa Delta variant.

Dahil naman sa pagkakaroon ng S-gene ng BA.2, mas mahirap umanong sundan o kilalanin ito at kung magiging talagang mabilis makahawa at makalikha ng seryoso o severe na COVID.

Maganda ring hintayin natin ang Department of Health ng Pinas na tumalakay rito.

Pero magandang balita na naniniwala ang nasabing institute na epektibo pa rin laban sa BA.2 ang mga ginagamit nating bakuna laban sa COVID.

MGA SINTOMAS

Heto ang kabilang sa mga dapat nating malaman ukol sa sintomas ng Omicron variant.

Sa Omicron variant, nakararanas ang mga biktima ng sakit sa ulo, pananakit ng katawan at pagod.

Ngunit wala ang pagkawala ng panlasa at pang-amoy at lagnat na kabilang naman sa mga sintomas ng ibang mga uri ng COVID.

Kaninong uri ng COVID naman kaya ang nararanasan ng mga biktima na hanggang tatlong araw na pagtulog?

MAGPABAKUNA

Bago pa lumitaw kung malaganap na ang BA.2 at kasabay ng BA.1 at Delta variant sa pananalasa sa Pinas, dapat magpabakuna ang mga dapat magpabakuna at mga nangangailangan na ng booster shot, kasama na ang mga menor-de-edad.

May bahay-bahay, bara-barangay, parma-parmasya, ista-istasyon ng mga sasakyan, pabri-pabrika, kasama na ang Manila Zoo bilang vaccination sites.

Wala na tayong dahilan para hindi mabakunahan laban sa anomang uring COVID.