Omicron variant sumisipa sa Hong Kong, South Korea

Omicron variant sumisipa sa Hong Kong, South Korea

February 19, 2022 @ 9:24 AM 4 months ago


KOREA AT HONG KONG – Sa unang pagkakataon, umabot na sa 100,000 ang nagkakasakit sa coronavirus disease-19 sa South Korea sa nakalipas na 24 oras.
Sa Hong Kong naman, dahil sa kakulangan ng mga quarantine area at pagkapuno na ng mga ospital dulot ng nasabing sakit, iniaalok na ng mga may-ari ng mga gusali at hotel ang kanilang establisimyento para gawing quarantine facility.

Ang Omicron variant ang itinuturong nanalasa sa dalawang lugar.

Sa South Korea, bagama’t maliit lamang ang namamatay araw-araw na naglalaro sa 50 katao, kabaligtaran naman ang nagaganap sa hawaan.

Kaya pinaiiral ngayon dito ang anim-kataong pagtitipon lamang na pampribado, pitong araw na kwarantina sa mga dumarating mula sa ibang bansa, sapilitang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar at pagpapakita ng vaccine pass sa mga pumapasok sa mga establisimyentong pangnegosyo.

Inaatasan na rin ang mga mamamayan na magsagawa ng mga antigen test para sa mabilis na pgsusuri habang libre sa reverse transcription polymerase chain reaction ang mga priority group at sa mga bahay-bahay na lang ginagamot ang mga magagaan ang kalagayan.

Sa Hong Kong, nag-alok ang CK Asset Holdings ng 3,000 kwarto na nasa apat na hotel; Sun Hung Kai Properties – 1,000 mula sa dalawang hotel; at New World Development – 700 kwarto habang nagdonasyon naman ang Henderson Land Development ng HK$10 milyon para pambili ng mga kontra-pandemyang gamit para sa mga matatanda.

Sa ngayon, umaapaw na ang mga kasong Omicron sa mga ospital at tinetesting at ginagamot na ang iba sa mga tent na itinatayo sa paligid ng mga ospital. Fred Cabalbag