Omicron variant tiyak manganganak – WHO; 645 patay sa US sa Omicron

Omicron variant tiyak manganganak – WHO; 645 patay sa US sa Omicron

January 19, 2022 @ 7:15 PM 4 months ago


Manila, Philippines – Nagbabala ang World Health Organization na maaaring manganak ng ibang virus ang Omicron variant na sumasalakay sa buong mundo.

Bukod dito, sinabi rin ng pinuno ng WHO na hindi dapat maliitin ang Omicron variant sa pagsasabing hanggang mild lamang ito dahil pinagmumulan na ito ng kritikal na kalagayan ng mga biktima, pagkakaospital at kamatayan.

Kaugnay nito, napag-alamang inaatake ng Omicron variant ang maraming nursing home para sa matatanda sa Estados Unidos at umabot na sa 645 ang namamatay mula sa 32,000 biktima sa loob lamang ng isang linggo.

Ngunit hindi lang sa US nagaganap ang mga kamatayan kundi maaaring sa Europa na ngayo’y nakararanas ng mga doble, triple at higit pang pagdami ng mga nagkaka-COVID dahil sa Omicron variant.

Pinakamasahol ang nararanasan ng France na nagkaroon ng record case na 464,769 kaso sa nakalipas na 24 oras, sumunod ang Germany na may 228,179, at Denmark –  33,493.

Magkagayunman, bumaba naman ang kaso ng Omicron sa United Kingdom at Spain at sinasabing maaaring naabot na ang pinakarurok ng impeksyon sa mga ito.

Sinabi pa ni Tedros na umabot sa 18 milyon ang nagka-COVID sa buong mundo sa nakalipas na isang linggo. Fred Cabalbag