Omicron XE wala pa sa Pinas – DOH

Omicron XE wala pa sa Pinas – DOH

April 19, 2022 @ 11:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Wala pang “Omicron XE” sa Pilipinas.

Ito ang inianunsyo ng Department of Health ngayong Martes.

Ang Omicron XE ay ang recombinant ng dalawang sub-lineages ng mas madaling naililipat na variant ng Omicron.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy nilang binabantayan ang pagpasok ng Omicron XE sa bansa.

“Sa ngayon wala pa naman tayong nade-detect na XE variant dito sa ating bansa. Itong XE variant naman ay mga tatlo o apat na bansa pa lang ang nakakadetect ng ganitong klaseng variant,” paliwanag ni Vergeire.

Nauna nang ipinaliwanag ng infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvana na ang Omicron XE ay “higit na nakababahala” kumpara sa iba pang mga sub-variant ng Omicron, pero maaaring hindi ito mas malala o makakaapekto sa bisa ng kasalukuyang mga bakunang nagagamit.

Pinatunayan din ito ng miyembro ng Vaccine Expert Panel na si Dr. Rontgene Solante, na nagsasabi na ang kasalukuyang mga bakuna ay makikitang gumagana laban sa mga sub-variant ng BA.1 at BA.2 Omicron.

Samantala, nauna nang nag-alarma si Philippine College of Physicians resident Dr. Maricar Limpin na ang posibleng pagpasok sa Pilipinas ng Omicron XE at ang mababang rate ng booster shot coverage ng mga Filipino ay maaaring humantong sa paglaki ng mga kaso ng COVID-19 sa Mayo.

Parehong nagbabala ang DOH at ang World Health Organization (WHO) Philippines na ang bansa ay maaaring makaranas ng panibagong pagtaas ng mga impeksyon sa COVID-19 sa kalagitnaan ng Mayo kung babalewalain ang minimum public health standards (MPHS). RNT