One Health Pass papalitan ng eArrival Card ng DOH

One Health Pass papalitan ng eArrival Card ng DOH

October 19, 2022 @ 7:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Martes, Oktubre 18 na papalitan na nito ang One Health Pass ng bagong electronic arrival card na eArrival Card bilang tugon sa reklamong natatanggap mula sa mga biyahero.

Pagbabahagi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa pulong balitaan, “inconvenient” kasi ang One Health Pass na ginagamit sa contact tracing at pag-iingat kontra COVID-19.

Nakausap na ng kagawaran ang Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) tungkol dito.

“Ngayon, to ease itong restriction sa One Health Pass, itong requirement na ito ginawa nang eArrival Card. Kakaunting datos na lang ang nakalagay diyan, wala na pong masyadong hinihinging requirements,” pagbabahagi ni Vergeire.

“Kung hindi mo ma-upload yan, meron tayong special lane sa ating airports kung saan ia-assist ka nila. Doon ka mag-u-upload at doon mo makukuha ang eArrival card mo,” dagdag pa niya.

Sa One Health Pass, matatandaang ang mga byahero ay obligado na mag-register sa online portal nito tatlong araw bago ang pagsakay nila ng eroplano papunta sa bansa, kasunod ng pagbibigay ng transaction number.

Pagkatapos nito ay sasagutan naman ng byahero ang electronic health declaration checklist isang araw bago ang boarding at makatatanggap sila ng QR code.

Maliban dito, reklamo din ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang mahabang pila dahil sa proseso ng pag-verify ng One Health Pass.

Ipinag-utos na ng DOH sa Bureau of Quarantine na repasuhin ang One Health Pass para mapasimple ang proseso.

Kaugnay naman ng bagong arrival card o eArrival card, katulad din ng One Health Pass ang layunin nito na makuha ang detalye ng isang byahero at vaccination status nito.

“Yung Data Privacy Act meron tayong mga declaration na kaakibat nitong eArrival Card kung saan the data privacy will be secured so inayos po yan ng ating ahensya ng gobyerno para wala po tayong issue or risk for data privacy of our individuals,” paliwanag ni Vergeire.

Matatandaan nauna nang sinabi ng DOH na ginagamit ng ilang manloloko o scammer ang proseso ng paggawa ng One Health Pass sa mga nagdaang panahon. RNT/JGC