Manila, Philippines – Ipinahayag kahapon ni National Parks Development Committee (NPDC) executive director Penelope Belmonte ang planong magtayo ng isang ‘one-stop-shop center’ na magbibigay ng mabilis at libreng assistance sa lahat ng Filipino seafarers.
Ayon kay Director Belmonte, ang nasabing center ay itatayo para lamang tulungan ang mga seafarers sa kanilang mga pangunahing kinakailangan upang kumpletuhin ang kanilang mga papeles at requirements nang libre at mabilisan lamang.
Kadalasan, ani Belmonte, ay nagagastusan pa ang mga seafarers dahil kinakailangan nilang bumili ng pagkain dahil sa inaabot ng buong araw ang pag-proseso ng kanilang mga papeles.
‘With quicker processing, there will be no need for the seafarers to linger and spend for breakfast, lunch and even merienda,’ aniya.
Sa itatayong center, wala umanong commercial spaces na ilalagay bilang mahigpit na pagsunod sa ‘well-entrenched rule that Parks are communal property beyond the commerce of men.’
Inihayag ni Belmonte ang plano sa kanyang liham kay President Rodrigo Duterte, kung saan binatikos din niya si Luneta Seafarers Welfare Foundation, Inc. (LUSWELF) Chairman at CEO Don Ramon Bagatsing, dahil habang sinasabi umano nito na ang mga seafarers ay “bagong bayani” dahil sa kanilang ambag sa lipunan, wala naman umanong ipinagawang facilities para sa kanila gaya ng clinics, comfort rooms at waiting area.’
Sa halip, aniya, ang mga itinayo ay permanenteng stalls na pinauupahan at pinagkakakitaan, habang ang mga seafarers umano a mistulang mga palaboy na nagkalat sa bangketa habang naiinitan o nauulanan at hindi komportable. (Rene Crisostomo)