One-stop shop para sa Boracay business permit, itatayo

One-stop shop para sa Boracay business permit, itatayo

August 1, 2018 @ 7:43 PM 4 years ago


 

Boracay – Bilang pagtalima sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte para isulong na mapadali ang proseso sa pagkuha ng permit sa opisina ng gobyerno, nais ipatupad ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ang proseso ng pagkuha ng permits para sa commercial establishment sa Boracay sa pamamagitan ng one-stop-shop.

Ayon sa ulat ang one-stop shop ay lalagyan ng mga tauhan at personnel mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Tourism (DOT) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay BIATF chair DENR Secretary Roy A. Cimatu, ang one-stop shop ay tutulong sa mga may-ari ng negosyo para sa pagpoproseso ng kanilang requirements para makapag-operate ng kanilang negosyo sa sandaling magbukas ang Isla ng Boracay sa mga turista sa October 26, 2018.

Sa isang press statement, pinaalalahanan ni Cimatu ang mga may-ari ng negosyo na kumuha ng kanilang kinakailangan permits, lisensya, certification, dahil kung hindi ay mananatiling sarado ang kanilang negosyo sa sandaling magbukas ang isla ng Boracay matapos ang anim na buwang rehabilitasyon sa naturang isla.

“The reopening of Boracay does not mean that all establishments will also reopen. They will have to first secure the necessary permits and comply with existing conditions or requirements,” ani pa ni Cimatu sa ikatlong meeting sa BIATF nitong nakalipas na linggo.

Ang BIATF ay binuo ni Pangulong Duterte para isulong ang rehabilitasyon sa isla ng Boracay matapos ang problema sa kalikasan sa naturang isla.

Ayon kay Cimatu ang DENR ay naglagay na ng one-stop shop para sa mga nag-nanais kumuha ng kanilang permit na nakalagay sa Station 3 ng Boracay’s White Beach.

Magbibigay din ang ahensya ng serbisyo para beripikahin ang kalagayan at klasipikasyon ang lupang kinatitirikan ng isang establisyemento upang mapadali ang proseso ng pagkuha nito ng permit.

Kaugnay nito nagtalaga na din ang DENR Environmental Management Bureau (EMB) ng kanilang mga personel para tumulong sa pag-evaluate ng compliance ng environmental laws, particular na ang malinis na tubig, malinis na hangin, solid waste management, at toxic substances at hazardous waste control. (Santi Celario)