One-stop shop sa mga empleyado ikinasa ng DSWD, iba pang ahensya

One-stop shop sa mga empleyado ikinasa ng DSWD, iba pang ahensya

January 24, 2023 @ 11:59 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipinagdiwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ika-72 anibersaryo nito sa pakikipagsanib-pwersa sa iba pang ahensya ng pamahalaan para magkasa ng One-Stop-Shop Serbilis On-the-Go! activity na isinagawa nitong Lunes, Enero 23 sa DSWD Central Office.

Ang aktibidad na ito ay tatakbo hanggang Enero 27 at layong makapagbigay ng komportableng lugar sa mga tauhan ng DSWD Central Office, mga kamag-anak at institutional service contractors na makapag-asikaso ng iba’t ibang serbisyo ng gobyerno.

Kasabay ng pagbubukas ng aktibidad, inimbitahan ng DSWD ang Commission on Elections (Comelec), sa pangunguna ni chairperson George Erwin Garcia, para ipakilala ang Register Anywhere Project (RAP).

Ang RAP ay ang nagpapatuloy na voter registration project ng Comelec para sa pagpaparehistro ng mga bagong botante, reactivation ng voter records at iba pa.

“The DSWD supports the Comelec in its endeavor to make voter registration easy and accessible to the Filipino people. Hence, a satellite registration site in the DSWD Central Office was established today to provide a venue for the registration of DSWD employees and their relatives for the upcoming Barangay and Sangguniang Kabataan elections,” pahayag ni DSWD Officer-in-Charge Eduardo Punay.

Siniguro rin ng DSWD ang suporta nito sa mga gawain ng Comelec.

“Rest assured that the DSWD will support Comelec’s initiatives on voter’s education and voter’s registration to inform more Filipinos about their right to vote and participate in our electoral process,” aniya.

Ilan pa sa mga ahensya ng pamahalaan na nakilahok sa One-Stop-Shop Serbilis On-the-Go ay ang Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine Identification System (PhilSys), Land Transportation Office (LTO), National Bureau of Investigation (NBI) at Professional Regulation Commission (PRC). RNT/JGC