‘One strike policy’ sa pabayang recruiter ikinakasa ni Tulfo

‘One strike policy’ sa pabayang recruiter ikinakasa ni Tulfo

August 17, 2022 @ 10:20 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihihirit ni Senator Raffy Tulfo ang “one strike policy” laban sa recruitment agencies na nabigong protektahan ang kanilang mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa mga abusadong employer.

Ito ay bilang tugon ni Tulfo sa interpelasyon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na nagmumungkahi ng deployment ban sa mga Filipino domestic helper sa mga bansang nagpapatupad ng Kafala system.

Sinabi ng neophyte senator na sisiguraduhin niyang tuluyan nang ipagbabawal ang mga pasaway na recruitment agencies.

Giit ni Tulfo na ang mga sekswal at pisikal na pang-aabuso sa OFWs ay sapat nang batayan para ipatupad ang “one strike policy”.

“One miss and you die. It is the life that counts. That’s why I will run after them,” giit ni Tulfo.

Sinabi rin ni Tulfo, chair ng Senate committee on migrant workers, na isusulong din niya ang pagtanggal sa Kafala, isang sistemang ginagamit sa pagsubaybay sa mga migranteng manggagawa sa pamamagitan ng pagkumpiska ng kanilang mga pasaporte. RNT