‘One Town, One Product’ isinulong ni Bong Go

‘One Town, One Product’ isinulong ni Bong Go

July 11, 2022 @ 2:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihain ni Senador Christopher “Bong” Go sa ika-19 Kongreso ang panukalang gawing institusyon ang programang “One Town, One Product” (OTOP) ng Department of Trade and Industry upang makatulong sa pagpapalakas ng inobasyon sa micro, small at medium na mga negosyo.

Ang OTOP ay isang programang pinamamahalaan ng gobyerno na nagbibigay ng tulong para sa MSMEs at nagsusulong ng mga kalakal at produkto ng mga bayan, lungsod at rehiyon.

Sa explanatory note ng panukalang batas, sinabi ni Go na 99.51% ng mga negosyong tumatakbo sa bansa ay MSMEs, ayon sa 2020 List of Establishments ng Philippine Statistics Authority.

“Ang mga bilang na ito ay nagbibigay-diin at nagpapatibay sa mahalagang papel ng MSMEs sa ekonomiya ng bansa,” sabi ni Go.

Binigyang-diin ng senador na tungkulin ng gobyerno na “magbigay ng proteksyon at kilalanin ang malalim at hindi maikakaila na kontribusyon ng MSMEs sa pagbuo ng bansa, pagpapatuloy ng pambansang paglago ng ekonomiya, at pagsasakatuparan ng ating mga layunin sa ekonomiya.”

Pinagtibay ng Senate Bill ni Go ang OTOP bilang stimulus program ng gobyerno upang hikayatin ang paglago ng MSMEs sa bansa sa pamamagitan ng paggamit sa indigenous raw materials, local traditions at cultures sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nilalayon nitong tulungan at bigyang kakayahan ang mga MSME sa pagbuo ng mga makabagong produkto at serbisyo sa pamamagitan ng pagpapabuti sa mga pagbuo ng produkto, disenyo, packaging, pagsunod sa mga pamantayan, kakayahang mabenta, kakayahan sa produksyon, pagbuo ng tatak, pagpapanatili, pag-secure ng mga lisensya, pagpaparehistro ng produkto at iba pang awtorisasyon sa merkado, bukod sa iba pa.

Higit pa rito, ang panukalang batas ay naglalayong suportahan ang mga MSME sa pagharap sa mga masamang epekto na dala ng patuloy na pandemya.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang DTI na itatag ang OTOP Philippines Trustmark, na titiyak na ang mga produkto sa ilalim ng programa ay kumakatawan sa pinakamahusay sa bansa.

Ang OTOP Philippines Trustmark ay dapat magpahiwatig na ang mga negosyo at produkto ay minarkahan ng mahusay sa mga tuntunin ng kalidad, disenyo, halaga at kakayahang maibenta.

Ang DTI ay inaatasan din na magtatag ng isang set ng pamantayan para sa mga produkto ng OTOP na naaayon sa lokal na kultura, resources ng komunidad, koneksyon, pagkamalikhain at kalamangan sa kompetisyon.

Ang mga benepisyaryo ng OTOP Program ay tutukuyin ng mga panrehiyon at panlalawigang tanggapan ng DTI, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na yunit ng pamahalaan. Inaatasan din ang DTI na magbigay ng komprehensibong pakete ng tulong sa mga benepisyaryo ng OTOP Program.

Inaatasan din ang Department of Tourism, Civil Aviation Authority of the Philippines, Philippine Ports Authority, Land Transportation and Franchising Board, at iba pang katulad na ahensya na suportahan ang pagtatayo at paglalaan ng mga espasyo para sa pagtatayo ng mga hub ng OTOP Philippines.

Ang DTI, sa pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya, ay bubuo din ng isang komprehensibong plano sa marketing at pagpapatakbo para sa pagtatatag ng mga hub ng OTOP Philippines.

“Tulungan natin ang mga MSMEs na buhayin ang kanilang mga negosyo dahil sila rin ang bubuhay sa ating ekonomiya, lalo na ngayon na nasa gitna tayo ng krisis dulot ng COVID-19,” ayon kay Go. RNT