Onion farmer na dumalo sa Senate inquiry, kinumpirmang binisita ng pulis

Onion farmer na dumalo sa Senate inquiry, kinumpirmang binisita ng pulis

January 20, 2023 @ 6:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ng onion farmer na dumalo sa Senate hearing kamakailan na ilang beses bumisita ang mga pulis sa kanilang tahanan upang papirmahin siya sa statement kaugnay ng pagkamatay ng kanyang asawa.

Sinabi ni Merly Gallardo na kinausap siya ng pulis at itinala ang kanyang mga sagot, subalit tumanggi umano siya na pumirma sa dokumento.

“Yun lang statement ko, gusto nilang papirmahan. Yun lang ang inaano dito. Sila ang gumawa. Ako ang magsasalita, sinusulat lang nila. Hindi po. Hindi ko po maintindihan kaya hindi na ako nagpirma,” aniya.

“May kaunting mali. Sinabi doon hindi nalugi si Tatay,” dagdag niya kung saan tinutukoy ang kanyang asawa.

Base kay Gallardo, posibleng nagpakamatay ang kanyang asawa dahil sa financial loss kaugnay ng produksyon nila ng sibuyas.

Inihayag ni Senator Imee Marcos said nitong Huwebes na nakatanggap siya ng impormasyon na pinuntahan ng pulis ang tahanan ni Gallardo at iba pang onion farmers upang imbestigahan ang pagkamatay ng limang magsasaka.

Sinabi ni Marcos na nanggaling ang utos sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Base pa kay Gallardo, walong beses nagpabalik-balik ang pulis sa kanyang tahanan, dakong alas-11 ng gabi.

 “Natakot ako, nagulat din kasi pabalik-balik, Aburido ako,” paglalahad niya.

Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) public information office chief Police Colonel Redrico Maranan na sumunod lang ang Bayambang, Pangasinan police sa direktiba ng DILG provincial office na beripikahin ang ulat ng suicide.

“Ang nakikita po kasi namin, nakikita po dito sa salaysay na dinraft po ng ating PNP na galing din naman sa interview kay nanay ay dahil sa utang, nagkaroon po siya ng malaking utang umaabot ng P1.7 million, may ka-share siya,” aniya.

Nilinaw din niya na ilang beses bumalik ang mga pulis upang suriin ang corrected versions ng kanyang pahayag. RNT/SA