Onion procurement program sa lokal na magsasaka palalakasin sa N. Ecija

Onion procurement program sa lokal na magsasaka palalakasin sa N. Ecija

January 10, 2023 @ 11:50 AM 4 weeks ago


NUEVA ECIJA – BILANG tugon sa patuloy na pagtaas ng kalakal ng sibuyas sa bansa, plano ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na bumili ng sibuyas mula sa mga lokal na magsasaka sa pagsisikap na matulungan ang sektor ng agrikultura.

Sa pahayag ni Gobernador Aurelio Umali, nitong Lunes, makikipagpulong siya sa mga miyembro ng Provincial Food Council (PFC) para sa pagsagawa ng mga alituntunin sa pagpapatupad ng onion procurement program.

Aniya, hinihintay na lamang na matapos ang itinatayong isa pang cold storage facility sa Science City of Muñoz para agad na masimulan ng PFC ang pagbili ng mga sibuyas.

Maliban sa bigas, tinitingnan din ng PFC ang kalagayan ng mga magsasaka ng sibuyas,” ani pa Umali.

Dagdag pa ni Umali na kasalukuyan nagpapatupad ang PFC ng rice procurement program para makatulong sa pagpapagaan ng epekto ng rice tariffication law sa mga lokal na magsasaka.

Ang konseho ay kumukuha ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa presyong mas mataas kaysa sa umiiral na rate sa pribadong kalakalan.

Bukod sa pag-aalok ng mas mataas na presyo ng palay, nagpapahiram din ang PFC ng mga kagamitan sa sakahan sa mga magsasaka at nagpapalawak ng iba pang klase ng suporta sa kabuhayan.

Samantala, ikinatuwa naman ng Katipunan ng mga Samahang Magsisibuyas ng Nueva Ecija (KASAMNE) ang nasabing plano ng pamahalaan panlalawigan.

Ayon kay KASAMNE vice president Eric Alvarez, malaking bagay ang planong programa ng pamahalaan panlalawigan para sa lokal na magsasaka.

“Kapag maisasakatuparan ito, mayroon kaming malalapitan upang mabili ang aming ani sa mas mataas na presyo,” ani Alvarez./Mary Anne Sapico