Online protest sa traffic violation inilunsad ng MMDA

Online protest sa traffic violation inilunsad ng MMDA

September 23, 2022 @ 2:10 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Inilunsad ng Metro Manila Development Authority ( MMDA) ang kanilang online protest sa mga traffic violation upang mas mapabilis at mapadali ang paghahain ng kanilang traffic adjudication.

Sa isinagawang press conference sa tanggapan, sinabi ni MMDA Acting Chairman Eng. Carlo Dimayuga sa kanilang inilunsad ngayong araw na online protest o ang bagong online filing platform kung saan mas pinadali ang pag-contest o pag-apela ng natanggap na traffic citation ticket.

Dumalo rin sa naturang pulong balitaan si Congressman Bonifacio Bosita ng 1-Rider Party List kung saan pinaboran niya ang hakbangin na ito ng MMDA

Ayon kay Bosita hindi na mahihirapan ang mga motorista na aapela sa kanilang citation tikets dahil pwede ng gawinh online ang kanilang mga protesta.

Ipinunto pa ni Bosita ang karanasan ng ilang mga motorista na nagtutungo ng MMDA para maghain ng protesta subalit kadalasan ay pinababalik dahil kulang sa mga requirements.

Aniya sa bagong sistema ng MMDA matapos ang paghain ng online protest tatlong araw lang ay malalaman na kung may schedule na ng hearing o wala.

Kinumpirma naman ng MMDA na kahit dagsain sila dahil sa isinagawang online protest kakayanin nilang hawakan ang hearing at magkakaroon sila ng dalawang karagdagang abugado.

Nilinaw naman ng MMDA na pansamantalang hindi muna Kasama ang mga natikitan ng No Contact Apprehension Policy sa online protest dahil narin sa temporary restraining order ng Korte Suprema.

Dagdag pa ng MMDA sa pamamagitan ng pag-scan ng QR code o pag-click ng link https://bit.ly/3J62YhH punan ang form at i-upload ang kinakailangang detalye at dokumento tulad ng Unified Ordinance Violation Receipt (UOVR), driver’s license, at Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) ng iyong sasakyan.

Paalala pa ng MMDA maaaring isumite ang reklamo mula 8 am – 5 pm, Lunes hanggang Biyernes at sa loob aniya ng 3 araw, kokontakin ng MMDA-Traffic Adjudication Division para sa pre-processing ng paghahain ng kanilang reklamo. Cesar Morales/Dave Baluyot