Online scam, cybercrime susugpuin ni Eleazar

Online scam, cybercrime susugpuin ni Eleazar

March 18, 2022 @ 10:55 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Balak ni senatorial candidate at dating PNP chief Guillermo Lorenzo Eleazar na ikalat sa mas marami pang ahensiya ng pamahalaan ang web verification platform ng pulisya upang masugpo ang cybercrimes, kabilang na ang mga online scam na bumiktima na sa maraming Pilipino.

“Nitong nagdaang mga taon, hindi lang virus ang kumalat kundi pati fake news, hacking, at online scams. Nakita natin na ang cybercrime ang magiging krimen in the future kaya gusto kong palakasin ang kapabilidad ng ating bansa para labanan ito,” ani Eleazar.

Dito aniya makatutulong ang Project E-ACCESS o Enhanced Anti-Cybercrime Campaign, Education, Safety and Security, na kanyang inilunsad noong 2021 nang magsilbi bilang PNP chief.

“Nais natin na magamit din ng gobyerno itong E-ACCESS para mas madaling mamonitor ng mga ahensya ang mga cybercriminals at may ‘go to’ place ang ating mga kababayan na namomroblema sa mga cybercrimes,” ani Eleazar.

Sadyang malapit sa puso ni Eleazar ang pagsugpo sa cybercrime dahil dati siyang nagsilbi bilang direktor ng PNP Anti-Cybercrime Group.

Pinamunuan din niya ang laban ng PNP sa paglakas ng mga ganoong uri ng krimen noong kasagsagan ng mga lockdown, kung saan halos lahat ng transaksyon ay naging online at maraming Pilipino ang nabiktima ng pekeng food delivery at mga money-making scheme.

“During this pandemic, we have seen na itong cybercrime ay talagang dumami. Kaya naman napakaganda na isulong ang pagpapalakas ng capability ng ating law enforcement agencies partikular na ang PNP-ACG para sugpuin ang online scammers at iba pang cyrbercriminals,” aniya.

Sa ngayon ay nakakalap na ang ACG ng tala ng mga cellphone number, email address, at social media account na dati nang ginamit ng mga cybercriminal.

Bukod sa pagpapalawak sa sa Project E-ACCESS, isinusulong din ni Eleazar ang pagpataw ng mas mabigat na parusa sa mga mapapatunayang sangkot sa cybercrime.

“Dahil nga parami na ng parami ang nai-involve sa ganitong mga gawain, kailangan talagang patawan ng mas mabigat na parusa ang online scammers at iba pang cybercriminals. Isa ito sa mga ilalaban natin pagdating natin sa Senado,” aniya.

“I subscribe to the idea that the best crime prevention is the certainty that those who will commit illegal activities will be caught by the law enforcers and punished to the full extent of the law. Kapag alam ng mga kriminal na tiyak ay mahuhuli sila kapag gumawa ng krimen, magdadalawang-isip sila ngayon na gumawa nang masama. Ito ang gusto natin mangyari kaya dapat palakasin ang operational at investigative capabilities ng ating law enforcement agencies lalo na ang PNP,” sabi pa ni Eleazar. RNT