Online sumbungan inilunsad ng LTO

Online sumbungan inilunsad ng LTO

March 14, 2023 @ 6:33 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – INILUNSAD ng Land Transportation Office (LTO) ang “Isumbong Mo Kay Chief” QR code, isang serbisyong digital na magagamit ng publiko para sa mas madaling pagpaparating ng mga reklamo at suhestiyon, gamit lang ang cellphone.

Pinangunahan ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang pagpapaskil ng “Isumbong Mo Kay Chief” QR code sticker sa Licensing Section ng LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, isa sa mga mataong lugar sa ahensya.

Nakapaskil na rin sa LTO district at regional offices sa buong bansa ang nasabing QR code sticker.

Sakaling may reklamo o suhestiyon, kailangan lamang na i-scan ang QR code gamit ang cellphone. Mula rito ay lalabas ang isang survey form kung saan ilalagay ang mga detalye ng reklamo o suhestyon na direktang mababasa ng mismong LTO Chief at maipaparating din sa mga hepe ng iba’t-ibang distrito ng ahensya.

May opsyon din sa survey form hinggil sa kung ano ang pakay ng reklamo tulad ng mabagal na serbisyo, masungit na empleyado, hindi maayos na lugar ng LTO office, o may presensya ng mga fixer.

“Isa po ito sa mga inisyatibo ng LTO tungo sa mas epektibong pagseserbisyo sa taumbayan at sa mabilis na mga transaksyon lalo na’t pursigido nating itinutulak ang full digitalization ng ahensya,” pahayag ni LTO Chief Tugade.

“Hinihikayat po natin ang ating mga kababayan na ipabatid sa LTO sa pamamagitan ng online feedback mechanism platform na ito ang kumpletong detalye ng inyong mga reklamo upang aming maimbestigahan at maaksyunan,” dagdag pa ng opisyal. Jan Sinocruz