Online voter registration sa susunod na taon, malabo pa – Comelec

Online voter registration sa susunod na taon, malabo pa – Comelec

March 15, 2023 @ 5:46 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Posibleng hindi maipatupad sa susunod na taon ang online registration para sa bagong botante para sa May 2025 elections, sabi ng Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kung magpapatuloy sa Pebrero ng susunod na taon para sa preparasyon ng 2025 elections, nais aniya nitong maging tapat sabay-sabing ang automated at online system ng registration ay hindi pa possible.

Sa Senate committee hearing, binanggit ni Garcia ang Republic Act 8189 na nagsasaad na ang mga indibidwal na gustong magparehistro ay dapat pa ring personal na humarap sa registration sites.

Kapag hindi aniya personal na humarap ang aplikante ay magkakaroon ng katanungan kung sa aplikante ba talaga nanggaling ang ibinigay na biometrics.

Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na bukas ang Comelec na pumasok sa data-sharing agreement sa PhilSys upang bigyang-daan ang paglipat ng biometrics sa Comelec.

Gayunman, sinabi ni Garcia na ang lahat ng aplikante para sa pagpaparehistro ay dapat pa ring personal na manumpa.

Dagdag pa, tinitingnan ng Comelec ang posibilidad na payagan ang mga aplikante sa kanilang panunumpa online. Jocelyn Tabangcura-Domenden