ONLY IN THE PILIPINS? SA US MAY SALTO RIN

ONLY IN THE PILIPINS? SA US MAY SALTO RIN

January 13, 2023 @ 9:38 AM 3 weeks ago


Noong Enero 1, 2023, new year na new year, lumagapak ang paglipad ng mga eroplano palabas at papasok sa Ninoy Aquino International Airport.

Siyempre pa, nagkandaletse-letse ang mga biyahe sa delay, kanselasyon at diversion ng paglanding ng mga eroplano at pagbabalik sa pinanggalingan ng iba, lalo ang mga lumipad mula sa ibang bansa patungo sa Pinas.

Nagsimula ang pagsasara ng NAIA ng 9:45 at binuksan ito dakong alas-4:00 ng hapon.

Umabot mahigit 65,000 katao ang naapektuhan habang mahigit sa 360 ang nakansel na local at international flights.

KURYENTE AT LUMANG SISTEMA

Sabi, pumalpak umano ang dalawang sistema ng suplay ng kuryente at ito ang naging dahilan ng paghinto ng lahat, kasama na ang mga pinagagaganang kompyuter sa pagbibigay ng mga impormasyon sa paglipad at pag-landing ng mga eroplano at iba.

Ang sabi naman ng iba, kinorap ang ilang bilyong pondo para sa modernisasyon ng airport ngunit itinanggi naman ito.

Sabi naman ng iba, uugod-ugod na ang mga sistema sa NAIA at dapat nang mapalitan ang mga ito.

Malayo umanong makabago ang mga sistema sa itatayong Sangley International Airport sa Cavite City at ang ginagawa nang Bulacan International Airport.

Sabi naman ng iba, mga namamahala sa NAIA, kasama ang iba pang mga ahensya ng gobyerno na nagpapatakbo ng buong paliparan ng bansa.

Alin kaya ang mga tama at mali rito?

Ang tanging nakagagaan ng loob diyan ay ang paghingi mismo ni Pangulong Bongbong Marcos ng paumanhin sa lahat ng naapektuhan at pangako niyang gagawin niya ang lahat para hindi na maulit ang pangyayari.

SA AMERIKA PUMALPAK DIN

Habang tintipa natin ito, mga Bro., apat na oras ding tumigil ang lahat ng paglipad at paglanding ng eroplano sa United States kahapon lang.

Pinatigil ng Federal Aviation Authority ang paglipad at pagbaba ng mga eroplano na 7,300 mula 6:30 ng umaga hanggang 9:29 ng umaga rin sa lahat ng paliparan sa nasabing bansa.

Nagkagulo-gulo kasi ang mga impormasyon na pumasok sa buong sistema ng air traffic control at sa kalaunan, nakita ang problema sa Notice to Air Missions system (Notam).

Ang Notam ang nagbibigay ng impormasyon ukol sa mga problema sa runway, mga nagaganap sa paligid at iba pa at dito muna kumokontak ang lahat ng mga piloto bago sila magpalipad at magpababa ng mga eroplano.

Ngayon, sabi nila, luma nang sistema ang Notam at gamit lang umano sa mga mahihirap na bansa.

Pero inaalam na rin kung may hacking sa systemang kompyuter.

Malulupit ang mga basher dahil idinamay pati ang pagiging miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender at queer ni Transportation Secretary Pete Buttigieg.

Isa pa, hanggang ngayon, hindi naman mapalit-palitan umano si Buttigieg dahil sa away ng mga mambabatas ukol sa nominado ni President Joe Biden na si Phillip Washington.

‘Yung mga magagaling na basher sa nagaganap sa Pinas, mukhang nakasiper ang bunganga sa naganap sa US kahit naapektuhan din tayo.