OPEN PIT MINING NG PILMINERA IPATIGIL NA

OPEN PIT MINING NG PILMINERA IPATIGIL NA

June 15, 2022 @ 9:46 PM 2 weeks ago


Kailangan ipatigil muna ng gobyerno ang Filminera Mining Company sa patuloy na paggiba nito ng kabundukan sa Aroroy, Masbate kung ang polisiya ni President-elect Ferdinand”Bongbong”Marcos Jr. ang masusu­nod.

Taliwas kasi sa makatao at makakalikasang programa ni Pangulong Bongbong ang ginagawa ng higanteng kompanya, kabilang na ang walang puknat na pagpapasabog nito sa Barangay Panique at iba pang lugar na malapit lang sa mga kabahayang matagal nang inirereklamo ng mga re­sidenteng halos bingi na ang karamihan sa kanila.

“When it comes to open-pit mining, I think I’m a bit wary about that because it is very difficult to control, and the pollution that’s caused by open-pit mining, the leeching that occurs in open-pit mining, there are many occurrences where even after the mine has been closed, they have covered it up, they have planted trees, built houses on it, lumalabas ang lason,” ayon kay Pangulong Bongbong.

Ibig sabihin,’yung walang tigil na pagpapaputok ng dinamita ng abusadong dayuhang kompanya sa itaas lamang ng kabahayan sa ilang barangay roon na nagdudulot ng pagkabingi ay hayagang noise pollution kaya nararapat lang na ipasara muna ito ng bagong pamahalaan.

Bukod pa riyan ang pagkalason ng mga palayan at palaisdaan dahil sa kemikal na ginagamit nito sa pagpoproseso ng tone-toneladang ginto may 10 taon na ang nakaraan subalit hindi matugunan ng kinauukulan bunsod sa kwartang itinatapal ng kompanya sa makakapal na mukha ng mga buwa­yang opisyal.

Nakupo, kung magsagawa lang ng malalimang imbestigasyon si Pangulong Bongbong, sibak sa puwesto ang ilang ganid sa kwartang mga opisyal dahil sila ‘yung kakutsaba ng Filminera sa pagmamalabis nitong madalas ipinagmamayabang pa ng mga unggoy rito na walang makakapigil sa kanilang malawakang pag-araro sa mga kabundukan sa Aroroy.

Magkano nga ba ang kinikita ng pamahalaan sa excise taxes na ibinabayad ng kompanya kumpara sa libo-libong pobreng minerong itinaob ang kaldero nang simulan Filminera ang open-pit mining sa Masbate?

Sa totoo lang, kung pag-uusapan ang benepisyo,’yung ilang buwa­yang opisyal lang yata ng lokal na pamahalaan at DENR ang yumaman nang husto dahil sa mga negosyo’t patong nila sa kompanya samantalang gutom ang nakararaming kababayan kong umaasa pa ring matugunan ng gobyerno ang pangangailangan nila.

Sa madali’t sabi, si Pangulong Bongbong lang ang inaasahang magtutuldok ng mga pang-aabuso ito ng Filminera.