OPERASYON NG ILIGAL NA EZ-2, SUMULPOT SA QUIAPO AREA

OPERASYON NG ILIGAL NA EZ-2, SUMULPOT SA QUIAPO AREA

August 1, 2022 @ 7:20 PM 2 weeks ago


SA kabila ng mahigpit na kampanya ni Manila Police District Director PBGen. Leo Francisco laban sa iligal na sugal, may ilan pa ring mga malalakas ang loob na nakakakuha ng tamang koneksiyon para mabigyan ng proteksiyon ang mali nilang gawain.

Kung tutuusin, hindi naman mahirap tuntunin, lalo ng kapulisan, kung sino-sino ang operators na malakas ang loob na sumugal sa iligal na gawain dahil lantaran naman ang ginagawang pagpapataya ng kanilang mga kubrador.

Sikat na sikat nga ang pangalan ng isang alyas “Alvin Kiapo” sa lugar na sakop ng Ikatlong Distrito ng Maynila dahil sa dami ng kanyang mga kabo sa pasugal na EZ-2 na ang resulta ay kinukuha rin sa bolahan ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Yun nga lang, mas malaki ang premyong ibinibigay sa mga mananaya sa EZ-2 na iligal na pinatatakbo ni alyas Alvin Kiapo kumpara sa premyo ng PCSO para makaakit ng mas maraming sugarol.

Kalat na kalat daw sa mga lugar sa Central Market, Oroquieta, LRT Station at maging sa Quezon Boulevard na sentro ng distrito ng Quiapo na nasasakupan ng MPD Station 3 ang iligal na EZ-2.

Pinakamalakas daw sa mga naging “kabo” ni Alvin Kiapo ang isang alyas “Badjing” na kilala rin sa bansag na “Dragon” dahil nagkalat ang kanyang mga kubrador na puro babae sa iba’t-ibang lugar na sakop ng Station 3 ng MPD.

Ang tanong naman ng mga marites, bakit malakas ang loob nitong Alvin Kiapo na magpalawak ng kanyang iligal na sugal sa naturang Distrito?

Eh kasi raw, nakakita ng “right konek” itong si Alvin Kiapo sa katauhan ng isang nagpapakilalang “bagman” ng Station 3 at kaya raw niyang protektahan ang iligal na aktibidad kapalit siyempre ng malaking pakinabang.

Siyempre, panay ang sipsip ni Badjing kay Alvin Kiapo, at pilit na pinapalakas ang kubransang hawak niya ang mga kubrador dahil bukod sa pagiging kabo, mayroon siyang pagawaan ng mga pekeng lisensiya, diploma, titulo ng lupa at iba pa sa kahabaan ng C.M. Recto para mabigyan din ng proteksiyon at hindi makasama sa hulihan kapag nagkaroon ng operasyon laban sa mga ganitong uri ng gawain ang kapulisan.

Ewan ko kung saan pupulutin itong sina Alvin Kiapo, Badjing at nagpapakilalang bagman sa oras na magbigay ng kumpas itong si Francisco para maipatigil ang kanilang iligal na aktibidades na nagbibigay batik sa pulisya.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.