Operasyon ng Lotto napurnada

Operasyon ng Lotto napurnada

August 3, 2020 @ 2:23 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Matapos na isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan napurnada rin ang pagbabalik-operasyon ng Lotto ngayong araw.

Batay sa inilabas na opisyal na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabi nito na bukod sa pagpapaliban ng pagbabalik ng limitadong operasyon ng lotto ay suspendido rin muna ang operasyon ng instant sweepstakes at online Keno sa mga nasabing lugar mula ngayong Agosto 4 ng hatinggabi hanggang sa Agosto 18.

Una rito, humingi ng ‘time-out’ ng dalawang Linggo ang mga healthcare worker dahil sa lumolobo ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ating bansa.

Dahil dito, kagabi ay inanunsyo ni Pang. Duterte na muling isasailalim sa MECQ ang NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

“In view of the pronouncement by President Rodrigo Roa Duterte to revert NCR, Bulacan, Cavite, Rizal and Laguna to Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) from August 4 midnight to August 18, 2020,  Instant Sweepstakes tickets, Keno,  including the scheduled resumption of lotto operations in these areas shall be SUSPENDED until further notice,” pahayag ng PCSO.

Matatandaan na inanunsyo ni PCSO General Manager Royina Garma ang pagbabalik-operasyon na sana ngayong Agosto 4 ng limitadong operasyon ng lotto, kabilang ang Lotto 6/42 at MegaLotto 6/45 games, sa mga lugar na nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ).

Nagbalik na rin naman ang operasyon ng instant sweepstakes noong Hulyo 20 at maging ng online Keno na sinimulan noong Hulyo 28. Toto Nabaja


  •  
  •  
  •  

Loading...