Operator, 7 pa arestado sa online sabong

Operator, 7 pa arestado sa online sabong

October 2, 2022 @ 3:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Timbog ang isang online sabong operator at pitong mananaya ng sabong nang salakayin ng Manila Police District ang isang iligal na online sabong operation sa loob ng isang palengke sa Tondo, Maynila, Sabado ng gabi, Oktubre 1.

Ang mga naarestong operator na si nakilalang si Jayvee Mingoy, 21, binata, nakatira sa No. 1601 Int. 21, F. Varona St., Brgy 80, Zone 2, Tondo.

Kasama ring binitbit ng pulisya ang
mga mananaya na sina Bobby Hernandez, 41; Alexis Banares, 40; Jose Quinto, 51; Rosauro Exconde, 54; Rene Petallo, 52; John John Tambaon, 41; at Jeng Pascual, 37.

Ayon sa pulisya, karamihan sa kanila ay mga tindero at helper sa palengke na naaadik sa online sabong.

Sa ulat ng MPD-District Special Operations Unit, dakong alas-11 ng gabi nang kanilang salakayin ang isang puwesto ng iligal na online sabong sa loob ng Asuncion Public Market sa may Brgy. 1 Zone 1, District 1, Tondo nang magkasa sila ng SACLEO o ang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation.

Naaktuhan ang mga suspek sa pagtaya sa ‘online sabong’ na ipinagbawal na ng pamahalaan. Nakumpiska sa kanila ang nasa P1,930 halaga ng taya at iba’t ibang online sabong paraphernalia.

Dinala sa MPD-DSOU office ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling. Jocelyn Tabangcura-Domenden