Operators: Flag-down rate sa taxi, gawing P60!

Operators: Flag-down rate sa taxi, gawing P60!

June 15, 2022 @ 9:47 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinihimok ng mga taxi operator ang gobyerno na aprubahan ang kanilang petisyon na inihain noon pang Marso na naglalayong itaas ang flag-down rate mula ₱40 hanggang ₱60 sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sinabi ni Philippine National Taxi Operators Association president Bong Suntay nitong Miyerkules na pinipili ng ilang mga driver na huwag magmaneho ng kanilang mga taxi unit dahil sa big-time na pagtaas ng presyo ng petrolyo na hindi nagpapakita ng mga senyales ng pagbagal.

Ngayong taon, higit ₱36 na ang naging taas presyo sa diesel habang sa gasolina ay ₱26.

Idinagdag ni Suntay na humihiling lamang sila ng flag-down rate increase mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa halip na pagtaas ng pamasahe.

“The increase in the price of fuel has negatively impacted the income of operators and drivers,” aniya sa CNN Philippines. “We wanted a change in the flag-down rate so if the prices of go down, it would be easier to give it back without the need of calibrating the meters of the taxis.”

Ipinaliwanag niya na ang kasalukuyang baseline rate ay nakabatay sa panahon kung saan ang presyo ng gasolina ay ₱42-₱45 kada litro. Ngayon ay nasa pagitan ng ₱82-₱85 kada litro ang presyo ng gasolina.

Huling inaprubahan ng LTFRB ang pagtaas ng pamasahe sa taxi noong 2017 nang magkaroon ng ₱10 na pagtaas ang flag-down rate. RNT