Opinyon ng ERC gagamitin ni PBBM sa pag-amyenda sa EPIRA law

Opinyon ng ERC gagamitin ni PBBM sa pag-amyenda sa EPIRA law

October 24, 2022 @ 6:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Gagamiting batayan ng gobyerno ang anumang opinyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa pag-amyenda ng EPIRA law.

Sa harap na rin ito ng pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gamitin ang renewable energy upang maibaba ang presyo ng kuryente.

Kabilang sa hangad ni Pangulong Marcos na mabigyang opinyon ng ERC ay ang ideya ni Bacolod City Mayor Albee Benitez na pumasok sa joint venture agreement na may kinalaman sa pagbili ng solar power generators na dito ay direktang sa grid na ito mapupunta at hindi sa users.

Mas makabubuti aniya na maiugnay muna ito ng Bacolod City Government sa ERC lalo na’t kabilang naman sa mandato ng ahensiya na matiyak ang consumer choice at humikayat ng market development.

Ang pag-aamyenda sa nabanggit na batas ay isa sa mga priority legislative measures na inaprubahan sa nakaraang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malakanyang.

Nauna nang sinabi ni Marcos na magbebenepsiyo ang bansa sa paggamit ng renewable energy gayung makakahikayat din aniya ito ng foreign investments. Kris Jose