Opisyal ng AFP nabaril ang sarili, patay!

Opisyal ng AFP nabaril ang sarili, patay!

November 14, 2022 @ 4:56 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Binawian habang ginagamot ang isang mataas na opisyal ng Camp Capinpin matapos na aksidente nitong nabaril ang kanyang sarili kahapon ng tanghali sa Tanay, Rizal.

Kinilala ni Tanay Chief of Police, Plt. Col. Rodolfo Santiago, ang biktima na si Major Reynaldo Cañete (AFP).

Sa ulat, dakong alas-12:50 ng tanghali kahapon (Linggo) natuklasan ni Major Dave Anthony (AFP) ang biktina na nakahandusay na walang malay sa loob ng Old Central Barrack’s Building, Camp Capinpin, Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal.

Batay sa paunang imbestigasyon ni PSsgt. Jason Magbanua, isang Glock 17 pistol na may serial number AFP029823 ang nakita sa kanyang tabi nang madiskubre itong nakahandusay.

Kaagad naman isinugod sa Army Station Hospital sa Camp Capinpin ang biktima para sa atensiyong medikal.

“Dumating kami doon Sir, naka benda na ang kanyang ulo kaya hindi ko masabi kung kaliwa o kanan ang kanyang tama” pahayag ni Magbanua sa Remate.

“Humihinga pa po yung biktima nong dumating kami, tapos ililipad sya ng helicopter para MEDEVAC sa Camp Aguinaldo, subalit dakong alas-4:54 ng hapon kahapon binawian din sya ng buhay” dagdag na pahayag ni Magbanua. Toto Nabaja