Opisyal ng DA, SRA na sangkot sa Sugar Order No. 4 mess, lusot na sa kaso

Opisyal ng DA, SRA na sangkot sa Sugar Order No. 4 mess, lusot na sa kaso

January 5, 2023 @ 1:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ibinasura ng Office of the President (OP) ang kaso laban sa mga dating opisyal ng DA at board members ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na iniugnay sa kontrobersiyal na Sugar Order No. 4 o nabigong importasyon ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal.

Inabswelto ng Malakanyang sina dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, Administrator Hermenegildo Serafica ng SRA board, at ang board members na sina Roland Beltran at Aurelio Gerardo Valderrama Jr. na kapuwa kinasuhan ng grave misconduct, grave dishonesty at “conduct prejudicial to the best of the service”.

Ang mga ito ay matatandaang nagbitiw sa kanilang posisyon.

Nakasaad sa 10 pahinang desisyon na pinirmahan ni Executive Secretary lucas Bersamin na may otorisa mula Kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinayuhan ng OP ang respondents na maging maingat sa paggampan ng kanilang mga tungkulin.

Ito’y makaraang mapag-alaman na awtorisado ang mga respondents na mag-isyu ng Sugar Order dahil sa miscommunication na nag-ugat sa memorandum mula kay dating Executive Secretary Victor Rodriguez na may petsang Hulyo 15, 2022 na naggagarantiya ng authority kay dating Agriculture Usec. Sebastian upang pumirma ng kontrata at iba pang dokumento na may kinalaman sa operasyon ng Department of Agriculture (DA).

Lumalabas din na walang malinaw at matibay na ebidensiya na nagpapakita na ang mga respondents ay nakagawa ng anumang misconduct. Kris Jose