Opisyal ng MIPA-BARMM, binaril-patay

Opisyal ng MIPA-BARMM, binaril-patay

December 21, 2022 @ 3:20 PM 1 month ago


COTABATO CITY- Patay ang opisyal ng Ministry of Indigenous Peoples Affairs- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek kahapon ng hapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si ancestral domain division MIPA-BARMM chief Jocelyn Samar Palao, 52, may asawa at nakatira sa Bayan ng Timanan, South Upi, Maguindanao.

Batay sa report ng Cotabato City-PNP, dakong 5:45 PM naganap ang krimen sa bahagi ng LR Sebastian Street, Barangay Rosary Heights 11, ng naturang lungsod.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kulay puti na Suzuki minivan ang biktima ang biktima kasama ang dalawa na sina Jimmy Benito at Nurudin Zacaria, pauwi na sana sila sa bahay.

Pagdating sa nasabing lugar, bigla na lamang lumutang ang mga suspek sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang tunay na motibo at nasa likod ng pagpatay sa biktima.

Samantala, mariin naman kinondena ng miyembro ng BARMM parliament na si Froilyn Tenorio Mendoza ang marahas na pag-atake kay Palao na parehong kilalang tagapagtanggol at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga kababaihang IP.

Nanawagan rin si Mendoza sa gobyerno ang mabilis na paglutas sa kaso at managot ang mga suspek. Mary Anne Sapico