Oplan Baklas pormal nang hiniling na itigil

Oplan Baklas pormal nang hiniling na itigil

February 23, 2022 @ 9:58 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Pormal nang hiniling ng beteranong election lawyer na si Romulo Macalintal sa Commission on Elections na pansamantalang suspindihin ang kampanya laban sa mga campaign materials na naka-post sa pribadong ari-arian habang nakabinbin ang pagsusuri sa mga regulasyon nito.

Sa isang liham na naka-address sa Comelec na may petsang Peb. 21, hiniling ni Macalintal na pansamantalang suspindihin ang Resolution 10730, ang mga implementing rules and regulations ng Republic Act 9006 o ang Fair Election Act, hanggang sa simula ng campaign period para sa mga lokal na opisyal sa Marso 25 upang magkaroon ng pare-parehong patakaran o uniform policy para sa national at local candidates.

Sinabi ni Macalintal na ang pagtanggal ng mga diumano’y napakalaking campaign posters sa mga ari-arian ng mga pribadong indibidwal o hindi kandidato nang walang abiso o pagdinig “ay napaka-arbitrary at malinaw na paglabag sa konstitusyonal na karapatan ng isang tao sa kanyang ari-arian at angkop na proseso.”

Dagdag pa ng election lawyer na ang Comelec ay “walang awtoridad na i-regulate ang pagtamasa ng ginustong karapatan sa kalayaan sa pagpapahayag na ginagamit ng isang hindi kandidato,” binanggit ang desisyon ng Korte Suprema noong 2015 sa kaso ng Diocese of Bacolod vs Comelec.

Nauna nang nagdesisyon ang SC na pabor sa Diocese of Bacolod at pinagtibay ang legal na pagpapakita ng mga tarpaulin na naglalaman ng mga pangalan ng ilang kandidato at ang kanilang paninindigan sa Reproductive Health Law

Hindi sang-ayon si Macalintal sa paninindigan ng Comelec na ang nasabing kaso ay para lamang umano sa campaign materials tungkol sa mga adbokasiya. Sinabi niya na ang isang hindi kandidato na nagpo-post sa kanyang ari-arian ng isang campaign material “ay nagpapahayag ng higit pa sa pangalan; siya ay nagtataguyod ng mga ideya.”

Binanggit din ni Macalintal na ang paglilimita sa mga campaign posters sa isang nakapirming laki nang walang kaugnayan sa distansya mula sa nilalayong audience nito “ay nagiging hindi epektibo ang mensahe ng tao at lumalabag sa kanyang karapatang gamitin ang kalayaan sa pagpapahayag.”

Binanggit din ni Macalintal ang isang “highly untenable” na probisyon ng Resolution 10730 na nagsasaad na ang mga nagpo-post ng mga campaign materials sa mga ipinagbabawal na lugar “ay mananagot.”

“RA 9006 does not provide for the said ‘presumption of guilt’ of the candidates and political parties,” ani Macalintal

Una nang binatikos ng mga tagasuporta, pangunahin ang mga mula sa tandem ni Leni Robredo-Kiko Pangilinan, ang kontrobersyal na Operation Baklas at ang umano’y “overreach” ng Comelec sa pagtanggal ng mga election materials sa mga pribadong pag-aari.

Nauna na ring sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na hindi ito bingi sa mga alalahanin ng publiko, at maaaring may puwang pa para sa recalibration sa mga panuntunan ng Comelec. Jocelyn Tabangcura-Domenden