Oplan Sita tinakbuhan; riding-in-tandem sumemplang, timbog sa patalim sa Malabon

Oplan Sita tinakbuhan; riding-in-tandem sumemplang, timbog sa patalim sa Malabon

July 18, 2022 @ 1:42 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa loob na ng kulungan magpapagaling ng sakit ng kanilang katawan ang dalawang construction worker matapos sumemplang nang takbuhan ang mga pulis sa Oplan Sita habang sakay ng isang motorsiklo sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek bilang si Jonie Belandres, 31, at Ricardo Lubon, 18, kapwa ng Brgy. Longos.

Lumabas sa imbestigasyon ni PSSg Jeric Tindugan, dakong alas-11:45 ng umaga, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) ng Malabon police sa pangunguna ni PSSg Ervine Fhillip Albacite sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Fatima Escueta sa kahabaan ng Langaray St., Corner Hasa-Hasa St. Brgy. Longos nang parahin nila ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo dahil walang suot na mga helmet.

Sa halip na huminto ay lalo pang pinaharurot ng mga suspek ang motorsiklo hanggang sa sumemplang ang mga ito sa kalsada kung saan narekober sa kanila ang dalawang improvised bladed weapon o patalim.

Nang beripikahin, nadiskubre ng pulisya na walang driver’s license at wala din naipakitang mga kaukulang dokumento ang nagmamaneho ng motorsiklo na isang Honda Beat kaya nadagdagan ang kaso niyang BP6 ng kasong paglabag sa RA 4136 (Driving Without License). Boysan Buenaventura