Oplan Tambay: ‘May paglabag din kami’-NCRPO chief

Oplan Tambay: ‘May paglabag din kami’-NCRPO chief

June 24, 2018 @ 3:54 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Inamin ng director ng Metro Manila Police na may paglabag ding nagagawa ang mga pulis sa pagdampot sa mga istambay ngunit hindi umano nila kinukunsinti ito.

Ang pag-amin ay ginawa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar sa harap ng mga kritisismong natatanggap ng pulisya sa pagpapatupad ng ordinansa laban sa mga loiterers o istambay sa lansangan.

Isa sa inihaimbawa ni Gen. Eleazar ay ang ginawang pagdampot sa lalaking sumilip sa labas ng kaniyang bahay habang nakahubad.

Dinala sa presinto ang lalaki at pinaglinis ng kubeta bago pinakawalan dahil wala namang maisampang kaso sa kanya.

“Mali po ‘yun, kasi hindi kailangang arestuhain. In fact ang pinakamagandang ginawa niya (pulis) doon, kasi hindi pa naman siya lumalabas ng bahay, pwede niya caution-an,” ani Eleazar.

Ayon kay Eleazar, iniimbestigahan na ang nasabing insidente habang ang ilan sa mga sangkot na pulis ay nasibak na sa puwesto.

Ani Elezar, hindi kinukunsinti ng pamunuan ng pambansang pulisya ang mga maling paraan ng paghuli sa mga lumalabag sa ordinansa.

Kasabay nito’y nilinaw ni Eleazar na hindi mga tambay ang target ng kanilang operasyon kundi ang mga lumalabag sa batas at lokal na ordinansa, batay sa mahigpit na kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mismong si Pangulong Duterte ay galit sa mga pulis na umaabuso sa kanilang kapangyarihan.

Nais ng Pangulo ng linisin ang lansangan sa mga istambay na aniya’y posibleng maging potensiyal na kriminal o pasimuno ng kaguluhan na nagsisilbing panganib sa mga tahimik na mamamayan. (STAN YABOT)