Ople: Atakihin ninyo ako on competence, integrity, ‘wag sa sakit ko

Ople: Atakihin ninyo ako on competence, integrity, ‘wag sa sakit ko

July 6, 2022 @ 2:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople na nalabanan niya ang cancer dalawang taon na ang nakararaan, at idinagdag na nagkaroon siya ng operasyon sa breast cancer noong Pebrero 26, 2020.

“I’m very open and transparent na sinulat ko pa sa column ko, wala pang election noon. This was February 26, 2020, I had my breast cancer surgery and a few days after nag-lockdown na. Stage 2 breast cancer, two years ago,” aniya sa Mangahas Interviews.

“Two years and four months out na ako, out of that my recent mammogram. Thank God all clear naman,” git pa niya.

Sinabi ng Kalihim ng DMW na dumadaan pa rin siya sa aktibong paggamot sa kabila ng pagiging ligtas sa cancer.

Sinabi ni Ople na ipinagmamalaki niya na nalampasan niya ang mga hamong ito, kung saan ito umano ang tinatarget ng kanyang mga kritiko para pulaan ang kanyang kalusugan at panunungkulan.

“I would not wish [cancer] on any other person… and proud ako na napagdaanan ko yun and I’m still here and I’m thankful. Feeling ko lang ‘wag yon. Kung gusto niyo ako atakihin, atakihin ninyo ako on competence, integrity,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi niya na siya ay “bukas” at handang makipagtulungan sa mga bumabatikos sa kanya batay sa kanyang kalusugan.

“I trust in God, I’m thankful, and for those who see my health problem as a problem in terms of performance, siguro ang ano ko na lang is ano work with me, I am very open,” bwelta niya naman.

“Halika at lapitan mo ako, magkape tayo. I don’t mind, I’m just so grateful to be here yun lang talaga. I’m so grateful, blessed, and humbled to be here,” giit pa niya.

Nauna nang sinabi ni Ople na magsasagawa siya ng mga pagpupulong sa iba pang ahensya ng gobyerno para pag-usapan kung paano pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Aniya, makikipag-usap siya sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) para tugunan ang mga isyu ng mga OFW, partikular sa Saudi Arabia. RNT