Ople: Paggamit ng agent sa OFW recruitment, gawing krimen; parusa bigatan

Ople: Paggamit ng agent sa OFW recruitment, gawing krimen; parusa bigatan

September 30, 2022 @ 9:50 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iminungkahi ng Department of Migrant Workers ng gawing krimen at patawan ng mahigpit na parusa ang paggamit ng ilang manpower agencies ng mga ahente para mag-recruit ng mga potensyal na overseas Filipino workers (OFWs).

Inihirit ni Migrant Workers Chief Susan “Toots” Ople ang panukala sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers noong Miyerkules.

Sa nasabing pagdinig, iniharap ni Senador Raffy Tulfo ang kaso ng OFW na si Jovelyn Tang Andres na natagpuang patay noong Marso 25, 2022 matapos na puwersahan umanong ipalaglag ang kanyang sanggol at ibenta sa iba’t ibang amo sa kabila ng kanyang lumalalang mental na kalusugan.

Nabatid sa pagdinig, na si Jovelyn ay ni-recruit ng isang ahente na kinilalang si Emma Fernandez.

Siya, gayunpaman, ay hindi kaanib sa recruitment agency ni Jovelyn sa Maynila, ngunit naging kalihim ng manpower agency na nakabase sa Saudi na inatasan upang hawakan si Jovelyn.

Iginiit ni Ople na ang mga lokal na ahensya lamang ang pinapayagang mag-recruit ng mga empleyado.

“Illegal recruiter siya una dahil hindi siya empleyado ng licensed agencies. Pangalawa, malamang commission-based so baka bawat nirerecruit niya sa probinsya may practice po na isa yan sa pinaka-source kung bakit ang dami ng welfare cases natin,” giit ni Ople.

“Kasi unang naglalaho yung ahente pag nakuha na niya ang commission niya wala na. Baka i-criminalize na ang paggamit ng ahente bilang extension ng recruitment agencies,” dagdag ni Ople.

Nangako si Tulfo na titingnan ang panukala at itutulak din ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng manpower agencies na sangkot sa kaso ni Jovelyn.

“It happened three times at ang sagot ng agency tapusin mo ang kontrata mo, mas mahalaga ang pera sa kanila kesa sa buhay ng tao. Gusto ko pong sampahan sila ng kasong kriminal, gusto ko sila makulong we have to tap the DFA para magsampa ng kaso laban sa Gulf Synergy,” anang Senador. RNT