Hilong-talilong ngayon ang Liberal Party sa pagkukumpleto ng senatorial slate nito dahil sa Oktubre na ang paghahain ng certificate of candidacy para sa eleksyon sa susunod na taon.
Siyempre, asahan nang muling tatakbo si Benigno Paul “Bam” Aquino para sa LP. Tatakbo rin si Gary Alejano sa oposisyon kahit na magmumula ito sa Magdalo Partylist bilang kapalit ni Sen. Antonio Trillanes IV.
Walang prolema kung patatakbuhin nila si dating Quezon Rep. Erin Tañada na inilaglag ni Benigno Simeon Noynoy Aquino III sa pagkasenador noong eleksyong 2016.
Ang problema, lumilitaw na wala nang makuha ang LP na pambato sa administration ticket. Kaya pati ang artistang si Agot Isidro at natanggal na punong mahistrado na si Ma. Lourdes “My Filipino people” Sereno mula sa Supreme Court.
Ang depekto ni Agot, iyong minsang pagbatikos nito kay Pangulong Rodrigo Duterte ang natatandaan kong ‘karanasan’ nito sa pulitika – iyan ay kung karanasang matatawag ang ginawa niya.
Kay Sereno naman, tingin ng LP ay maraming naniniwala sa mga Filipino na biktima siya ng pang-aapi, kaya karapat-dapat siyang patakbuhing senador para lumakas ang oposisyon.
Tapos nililigawan ng LP si Mar Roxas na muling pasukin ang paglilingkod sa gobyerno dahil baka rito na siya suwertihin at manalo na sa eleksyon. Kung inyo pong matatandaan ay ilang ulit nang natalo si Roxas. Ibig sabihin, ilang ulit siyang isinuka ng mamamayang Filipino.
Bakit sila Isidro, Sereno, at Roxas? Wala na bang makuha ang oposisyon? Gustong tumakbo ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa pagkasenador dahil karapat-dapat siya at pihadong maaasahan siya ng administrasyon. Kaso, sa pagkakongresista ng ika-3 distrito ng Quezon City yata siya tatakbo.
KASANGGA N’YA ANG LGBT
Lahat pinaglilingkuran ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, kabilang na ang mga lesbian, gay, bisexual, transgender.
Kaya sabi ni Belmonte: “Dito sa Quezon City, they [LGBT] are most welcome. We are the most LGBT-friendly city because we have an ordinance placed that recognizes their rights. The rights to receive services the same as everybody else’s right…Tuloy-tuloy po ang paniniguro natin na ang LGBT rights are human rights.”
Napakalinaw ng pahayag ni Belmonte hinggil sa LGBT, kaya kasangga nya ito.
– BADILLA NGAYON