Oposisyon, hindi maiipitan ng budget – SGMA

Oposisyon, hindi maiipitan ng budget – SGMA

August 3, 2018 @ 3:59 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Bilang Act of Goodwill, tiniyak ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na walang mambabatas ang mabobokya sa budget sa ilalim ng kanyang pamamahala, nasa hanay man ito ng oposisyon o mga ayaw sa kanya.

Ayon kay Arroyo, ibibigay at matatanggap ng mga kongresista ang nararapat na pondo para sa kanila.

“No. No. No. Bibigyan lahat ng budget as gesture of goodwill,” pahayag ni Arroyo nang hingan ng reaksiyon ukol sa zero budget ng mga mambabatas na hindi sumuporta sa kanya.

Inamin nito na mayroon na syang listahan at may ilan sa kanyang kaalyado ang tumututol na bigyan ng budget ang ilang mambabatas ngunit para sa kanya ay hindi ito ang tamang gawin.

“I was supposed to make a proper announcement pero nasabi ko na, Meron nga akong listahan and everyone was opposing me pero ganun pa man as a gesture of goodwill, hindi sila bibigyan ng zero,” ani Arroyo.

Sinabi naman ni House Majority Leader Rolando Andaya na klaro ang utos ni Speaker Arroyo na ang lahat ng mga Kongresista na hindi man kasapi sa Mayorya ng Kamara ay hindi kakaltasan at lalong hindi masi-zero sa budget.

“Kung makita pa nila na kulang ito ay baka dagdagan pa ni Speaker Arroyo,” dagdag pa ni Andaya kung saan suportado umano nya ang ganitong hakbang dahil ang constituents ng mga opposition congressmen ay nagbabayad din ng buwis kaya karapatan nitong makatikim ng tamang serbisyo ng gobyerno.

Matatandaan na ilang miyembro ng Magnificent 7 ang unang nagreklamo na hindi nabigyan ng pondo ang kanilang distrito sa pamumuno noon ni House Speaker Pantaleon Alvarez dahil sa kanilang pagbabatikos sa administrasyon, ang hindi rin pagbibigay ng budget ang karaniwang ginagawang panangga noon ni Alvarez sa super majority kung hindi susuporta sa itinutulak na priority measures.

Ikinatuwan naman ng ilang mambabatas na nasa oposisyon ang pahayag na ito ni Arroyo.

Ayon sa isang Kongresista na tumangging magpabanggit ng pangalan, umaasa silang tototohanin ito ni Arroyo lalo at may rekord umano si Ginang Arroyo nang ito ay Pangulo ng bansa na nag-iipit ng budget ng mga nasa oposisyon. (Gail Mendoza)