OPOSISYON KATUWANG SA ADMINISTRASYON NI BBM

OPOSISYON KATUWANG SA ADMINISTRASYON NI BBM

January 28, 2022 @ 12:14 AM 8 months ago


PINANINDIGAN ng dating Senador at nangungunang Presidential bet na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang battlecry na “Sama-sama tayong babangon muli” sa media interview ng ilang kilalang mamamahayag sa radyong DZRH kamakailan.

Patunay na seryoso si BBM sa kanyang adbokasiya ang pagnanais niyang maisama sa gabinete ang ilang kilalang indibidwal na patuloy na bumabatikos sa mga Marcos na kaalyado ng oposisyon basta kwalipikado ito sa anomang posisyon sa Malakanyang.

Maging ang pagpapabalik sa ere ng ipinasarang ABS-CBN ay kinokonsidera ni Bongbong sakaling matugunan na ng management ng network ang ilang isyu, alegasyon at kontrobersiya na dahilan ng mga kongresista sa pagsara ng tabing nito.

Nakabibilib ang pahayag ni BBM sa gitna ng kaliwa’t kanang batikos na ipinupukol sa kanya mula sa oposisyon at kapwa niya kandidato kasabay ang ilang taga-suporta nitong kung susuriin ay gasgas na mga isyu’t pambabalahura sa kanyang buong pagkatao.

Sa halip na umusok sa galit ang batang Marcos, isinasantabi na lang nito ang pagyurak sa kanyang pamilyang kinabibiliban naman ng sambayanang mas lalo pang dumarami ang taga-suporta niya bunsod sa kalmado’t saksakan ng kabaitan na kandidato.

Hindi katulad ng isang pumapapel na malinis na opisyal na batid naman ng taumbayang impluwensyado ang pagtakbo ng mga kilalang oligarko sa bansang magiging sunod-sunuran lang sa kapritso ng mga burgis ang panunungkulan.

Anong klaseng pamamahala kaya ang maibibigay ng taong ito sa mga kababayan gayong ang tanging bukambibig niya ay mapatalsik sa anomang poder si BBM dahil sa paulit-ulit umano na mga isyung ibinabato sa kanya?

Sa totoo lang,ang pagbuklod-buklod ng bawat isang kaalyado man o nasa oposisyon na madalas sabihin ni Bongbong ang higit na kailangan ngayon ng bansa sa gitna ng krisis dulot ng pandemyang ito at hindi ‘yung pagtabas sa pulitika ng pamilya Marcos na dahilan na naman ng pagkawatak-watak ng sambayanan.

Anomang puna o suhestiyon itex sa 09999388537/email [email protected]