Oposisyon sa Kamara, pinuri at binatikos ang SONA ni Pangulong Duterte

Oposisyon sa Kamara, pinuri at binatikos ang SONA ni Pangulong Duterte

July 24, 2018 @ 2:19 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Umani ng papuri gayundin ng batikos sa hanay ng oposisyon sa Kamara ang kulang 1 oras na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bagamat kilalang bumabanat kay Pangulong Duterte ang tinaguriang Magnificent 7 ng Kamara ay aminado ang ilan sa mga ito na nasiyahan sila sa SONA ng Pangulo na tinawag pa ni Ifiugao Rep Teddy Baguilat na “best” SONA ng Pangulong Duterte.

Ayon kay Baguilat kung ikukumpara noong mga nakaraang SONA ay mas may laman at mas naipahayag ng Pangulo ang kanyang mensahe sa bayan.

Ikinatuwa din ng mambabatas ang pag-address ng Presidente sa National Land Use Act at Coco Levy Trust Fund na matagal na umano niyang inilalaban kung saan umaasa ang kongresista na ang mga nabanggit ng Pangulo sa kanyang SONA ay isusulong din nito katulad sa matinding pagnanais na maisabatas ang Bangsamoro Organic Law.

Binanatan naman nina Akbayan Rep. Tom Villarin at Magdalo Rep Gary Alejano ang SONA na kapwa nila tinawag na rehashed.

“Umayos lamang ang “reading” ni Pangulong Duterte pero kulang pa rin ito sa lalim at passion para sa katotohanan”pahayag ni Villarin.

“Lumang SONA na ito, ang tanging bago ay hindi nagpaulan ng mura ang Pangulong Duterte” dagdag naman ni Alejano.

Sinopla din ni Alejano ang Pangulo sa pagsasabing pinahahalagahan nito ang buhay na malinaw na taliwas umano sa nangyayari dahil kaliwat kanan ang nangyayaring patayan.

Para naman kay Albay Rep Edcel Lagman malayo sa realidad ang SONA, ani Lagman, nakatutol lamang ang Pangulong Duterte sa kung ano ang gusto nyang polisiya at hindi sa kung ano ang gusto ng publiko.

Inihalimbawa nito ang pagsusulong ng pederalismo na nais lamang umano ng Pangulo subalit tinututulan ng mamamayan, kasama pa umano dito ang TRAIN Law na lalong nagpahirapsa mga mahihirap. (Gail Mendoza)