OPS nagpasalamat sa paglusot ng P1.04B budget

OPS nagpasalamat sa paglusot ng P1.04B budget

November 12, 2022 @ 3:38 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagpasalamat Office of the Press Secretary (OPS)  sa Senado sa pag-apruba sa panukalang P1.04 billion budget para sa taong  2023.

Sa Facebook post, pinasalamatan ng OPS  ang Kongreso para sa pagsisikap nito na tiyakin ang maayos at mabilis na pagkakapasa ng panukalang  2023 national budget upang makayanan ng administrasyong Marcos na makapagbigay ng “better services” sa mga Filipino.

“Nagpapasalamat ang buong OPS sa House of Representatives at Senate of the Philippines para sa tuloy-tuloy na serbisyo para sa sambayanang Pilipino,” ayon sa FB post ng OPS.

Buwan ng Setyembre nang aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang budget ng OPS habang ibinigay naman ng Senado ang matamis nitong “Oo”, araw ng Huwebes.

Sina OPS Undersecretaries Maria Pedroche, Eugene Henry Rodriguez, Edwin Cordevilla, Rowena Reformina, at Marlon Purificacion ang mga dumalo sa deliberasyon ng panukalang budget.

“Dumalo sa naturang hearing ang mga opisyal ng OPS at personal na nagpasalamat sa mga senador kabilang ang pangunahing sponsor ng proposed budget ng OPS na si Senador JV Ejercito,” ayon sa OPS.

Sa ilalim ng  2023 spending plan, ang  OPS ay makakakuha ng kabuuang  appropriation na  P623.196 bilyong piso, o mahigit sa kalahati ng nasabing panukala.

Ang P623.196 bilyong piso ay ibibigay  sa attached agencies and corporations ng OPS, kabilang na rito ang APO Production Unit, Bureau of Broadcast Services, Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC), National Printing Office, News and Information Bureau, at People’s Television Network.

Sa kabilang dako, sinabi ng OPS na tuwang-tuwa ito nang aprubahan ng Senado ang panukalang P619.53 milyong budget para sa IBC.

“The lingering problem, which has been swept under the rug through the years, the unpaid retirement benefits of retirees from 2009 up to 2023 which amounted to P490 million,” ayon kay  Ejercito sa pagdepensa sa nasabing  budget. Kris Jose