Optional facemask policy sa Cebu City, tuloy-Rama

Optional facemask policy sa Cebu City, tuloy-Rama

September 1, 2022 @ 4:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Paninindigan ni Cebu City Mayor Mike Rama ang pagpapatupad ng kanyang executive order sa opsyonal na paggamit ng mga face mask sa mga open space sa kabila ng apela mula sa pambansang pamahalaan na bawiin ito.

“Let’s be practical kasi ang thrust namin ngayon ay economic recovery. We are a festival island…Ang gusto ko lang sabihin kay DILG Secretary Benhur at saka kay Presidente huwag kaming problemahin kasi hindi naman kami matigas ang ulo,” ani Rama sa interbyu sa GMA.

Sa hiwalay na panayam, sinabi kasi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na pumayag si Rama nang hilingin niya na suspindihin ang pagpapatupad ng EO dahil ihaharap muna niya ang usapin sa Inter-Agency Task Force (IATF).

Ani Abalos, dahil idineklara ang state of public health emergency sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic, dapat magkaroon ng harmonized policy ang mga lokal na pamahalaan.

“Ako na magsasabi sa IATF na since Cebu naman talaga ang gusto magganito, titignan natin kung puwede i-pilot study kayo para ma-tackle na itong mask outdoors kung ito ay papayagan o hindi…” ani Abalos.

“Sa diwa ng pagkakaisa, umaapela din ako sa lahat ng Local Chief Executives na gawin din ito hanggang sa dalhin ko ang bagay na ito sa IATF. I have already requested the IATF Secretariat to immediately convene to thoroughly discuss this measure,” ani Abalos sa isang pahayag. RNT