Optional na pagsusuot ng face mask sa ‘indoor settings’ ‘di pa napapanahon – DOH

Optional na pagsusuot ng face mask sa ‘indoor settings’ ‘di pa napapanahon – DOH

September 14, 2022 @ 2:53 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) na hindi pa panahon na gawing optional ang pagsusuot ng face masks sa indoors.

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire masusuri lang ito kapag natugunan ang ilang partikular na kundisyon, tulad ng mataas na antas ng booster administration, stable na bilang ng mga kaso ng COVID-19, mababang bilang ng malala at kritikal na impeksyon, at mababang rate ng pagkamatay at healthcare utilization.

Dagdag pa ni Vergeire, maari aniyang tanggalin ang mask indoors, optional para sa mga lugar na matutukoy sa takdang panahon kung saan irerekomenda ang ang trial, pilot study para sa tukoy na lugar.

Nitong Lunes, Setyembre 12 ay naglabas ng executive order si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagpapahintulot sa voluntary omg pagsusuot ng face mask sa open spaces.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na inaprubahan ng punong ehekutibo ang rekomendasyon dahil 6% lamang ang layo ng bansa sa wall of immunity, kung saan hindi bababa sa 80% ng karapat-dapat na populasyon ang nakatanggap ng kanilang unang booster shot.

Ayon kay Vergeire, kasalukuyang nasa 93.2% ang pangangasiwa ng mga pangunahing doses ng COVID-19 sa bansa na halos 6% pa bago matapos.

Malayo rin ang 6% sa nais maabot na target sa mga bibigyan ng booster shots na hindi bababa sa 30% ng karapat-dapat na populasyon sa loob ng unang 100 araw ni Marcos.

Sa ngayon, tanging mairerekomenda lamang ng DOH ang optional na pagsusuot ng face mask sa outdoor areas dahil base sa ebidensya, napatunayan na mas mataas ang tyansa ng virus transmission kapag hindi nakasuot ng facemask sa enclosed areas, sabi ni Vergeire.

Ang pagpapagaan ng mga protocol sa kalusugan ay hindi rin dapat minamadali at dapat gawin sa mga yugto, sinabi pa ng opisyal.

Sa kasalukuyan, nakapagtala ang bansa ng higit sa 3.9 milyong kaso ng COVID-19 na may higit sa 24,000 na kasalukuyang may sakit na mga pasyente.

Noong Setyembre 12, mahigit 72.8 milyong tao ang nakakumpleto ng kanilang pangunahing mga doses ng COVID-19.

Mahigit 18.6 milyong indibidwal ang nakatanggap ng kanilang unang booster dose, habang higit sa 2.5 milyon ang kumuha ng kanilang pangalawang booster shot, sinabi ng DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden