Tiyak nagbabago na ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-aalok sa teroristang Abu Sayyaf Group ng karangalang ‘Order of Lapu-Lapu’ kung sila ay susuko at magbabagong buhay.
Kagimbal-gimbal ang isinagot ng ASG na tagasunod ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na umako sa pagpapasabog sa Lamitan, Basilan na ikinamatay ng 11 katao.
Kabilang sa mga nasawi ang ilang sibilyan na babae at bata nang pasabugan ang isang detachment checkpoint ng paramilitary unit sa naturang lungsod.
Wala pang personal na reaksyon si Manong Digong maliban sa pahayag ng Malacañang na nagkokondena sa pagpapasabog.
Nauunawaan ko na nais ng Pangulo na makamtan ang panghabampanahon na kapayapaan sa buong Mindanao gayung naisabatas na ang Bangsamoro Organic Law.
Hindi tuloy maintindihan ni Manong Digong kung ano ang ipinaglalaban ng ASG-ISIS maliban sa madugong panliligalig at pangingikil sa pamamagitan kidnaping for ransom.
Masyadong mahabang panahon nang namayagpag ang teroristang grupo na ‘yan.
Napakarami nang nabiktima at pinugutan pa ng ulo at nakasira sa imahen ng bansa.
Kung hindi sinanto ni Manong Digong ang Maute Group na sunud-sunuran din sa ISIS, dapat gayundin sa ASG.
‘Di ba’t ang Order of Lapu-Lapu ay para sa mga ulirang sundalo, kagawad ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na nakagawa ng malaking kabutihan para sa taumbayan?
Bakit pararangalan ang mga demonyong terorista na walang awang pumapatay sa mga walang-laban?
Sa halip, ang dapat iutos ng AFP Commander in Chief na maigawad sa mga kilabot na ASG-ISIS ay walang iba kundi Order to Kill! – DEADSHOT NI ERWIN TULFO