Order vs ‘subversive books’ nirerebyu ng KWF

Order vs ‘subversive books’ nirerebyu ng KWF

August 17, 2022 @ 10:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nirerebyu na ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang memorandum ang memorandum na nilagdaan ng dalawa nitong komisyoner para sa pull-out at terminasyon ng publication sa limang umano’y subersibong aklat, ayon sa pinuno ng ahensya nitong Martes.

Sinabi ni KWF chairperson Arthur Casanova na hindi ipinagbigay-alam sa kanya ang ukol sa pagpupulong ng mga komisyoner ukol sa paglalabas ng utos.

“Itong ipinalabas nilang kapasyahan, sila lamang ang gumawa. Ito ay nilikha nila sa isang pulong na hindi ako kasali,” pahayag ni Casanova, na tinutukoy sina KWF Commissioners Carmelita Abdurahman at Benjamin Mendillo Jr. na lumagda sa Aug. 9 memorandum.

Ang limang aklat ay ang mga sumusunod:

  • Teatro Pulitikal Dos” ni Malou Jacob

  • Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay” ni Rommel Rodriguez

  • Tawid-diwa sa Pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng Batas Militar 1975-1979” ni Dexter Cayanes

  • May Hadlang ang Umaga” ni Don Pagasura

  • Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro” ni Reuel Aguila

Sa panayam, binanggit ni Mendillo ang posibleng paglabag ng mga aklat sa Section 9 ng Anti-Terrorism Act, ukol sa “inciting to commit terrorism”.

“Wala po sa mandato ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pagba-ban ng mga aklat na isinulat sa wikang Filipino o kung ano pa mang aklat… Dito sa mandato, hindi sinasabi na trabaho ng KWF ang mag-ban,” giit ni Casanova.

“Ang akusasyong subersibo ang mga naturang libro ay mapanganib na yumuyurak sa kalayaan ng malayang pamamahayag at akademikong kalayaan,” dagdag niya.

Itinanggi naman niya ang mga akusasyon na pinayagan niya ang mag aklat, at sinabing sumailalim ang mga ito sa standard review process at aprubado rin ng mga komite na pinamumunuan nina Abdurahman at Mendillo.

Nauna nang inihayag ni Mendillo pumasok si Casanova sa kontrata para sa paglathala ng mga materyal nang walang awtorisasyon mula sa board.

“The contracts of these books were the sole and unilateral act of the chairman. The chairman himself did not present this to the board. Even the contracts made were not presented to the board,” sabi ni Mendillo.

Tugon naman ni Casanova sa alegasyon: “Tungkulin ng KWF Publikasyon at kabuuang unit ng Sangay ng Edukasyon at Networking… sa unang yugto ng proseso, ini-evaluate o sinusuri ang bawat manuscript. Binabatid nila kung pwede bang ilathala ang manuscript na naaayon sa mandato at uri ng mga aklat na dapat ay ilimbag namin… Kapag nabuo na ang project proposal, ito ay ipapadala sa review committee, binubuo ng iba’t ibang puno ng sangay ng KWF at pinamumunuan ito ni Comm. Carmelita Abdurahman.”

“Ito ay idadaan din kay Comm. Benjamin Mendillo Jr. upang kaniyang masuri at maaprubahan ang budget na maaaring gamitin sa paglilimbag… Maliwanag na ang mga trabaho ng pagsusuri at evaluation ay trabaho po nila. Dumaraan ito sa imprimatur o pahintulot ng dalawang full-time commissioner (Abdurahman and Mendillo), kaya hindi pwedeng sabihin na ako po ang unilateral na nagdedesisyon para malimbag ang isang libro.”

Inilahad ni Casanova na ang alegasyon ay isa lamang sa serye ng mga pag-atake upang siraan siya. RNT/SA