Ordinansa sa dagdag-insentibo sa mga guro sa QC, ikinasa

Ordinansa sa dagdag-insentibo sa mga guro sa QC, ikinasa

September 1, 2022 @ 4:14 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Suportado ng lokal na pamahalaan ng lungsod Quezon ang panukalang karagdagang insentibo para sa mga guro at mga non-teaching personnel ng mga pampublikong paaralan sa nasabing siyudad.

Una rito, naghain ng dalawang ordinansa si Councilor Charm Ferrer na nanawagan para sa pagpapataas sa quarterly rice allowance ng mga guro at empleyado sa pampublikong paaralan at ang panukala para mapataas ang longevity pay ng mga guro.

Nilalaman ng dalawang panukala ang limang daang pisong dagdag rice allowance ng mga guro at non- teaching staff o employee kaya papalo na sa dalawang libo at limangdaan o P2500 ang kanilang rice allowance

Karagdagang P200 naman ang longevity pay sa bawat limang taong pagseserbisyo ng mga guro.

Nabatid na na mula sa dating P400 gagawin P600 na ang longevity pay ng mga ito.

Sinabi ni Quezon City Mayor Josefina Joy Belmonte, malaki ang papel na ginagampanan ng mga guro at mga empleyado ng pampublikong paaralan para linangin ang kaalaman ng mga mag-aaral.

β€œWe fully support the proposed measure granting additional incentives for public school teachers and non-teaching personnel of the Division of City Schools. Public school teachers play a crucial role in the development of our children,” pahayag ni Belmonte.

Ayon pa sa alkalde dapat lamang bigay ang mga pangangailangan ng mga guro upang ganahan sila sa kanilang pagtuturo at paglinang pa ng kaalaman ng mga estudyante.

Kaugnay nito umaasa si Belmonte na maipapasa ang mga mahahalagang panukala sa lalong madaling panahon.

Sa kasalukuyan aprubado na ng Komite Ng Edukasyon ang mga panukala at nakatakda sa pagdinig naman ang mga Komite ng Serbisyong Sibil.

Kaugnay nito, binigyang papuri naman ni Outgoing Peoples’ Council of Quezon City (PCQC) PRO at Professional Sector Representative Rjhay E. Laurea ang mga panukala at sinabing malaking bagay ito para pataasin ang moral ng mga guro at empleyado sa mga pampublikong paaralan.

Kasalukuyang pinangungunahan ni Laurea ang samahang Kapatiran Ng Mamamahayag sa Pilipinas (KMP) na isang non government media organization. RNT