Organisadong pagbabakuna sa Las Piñas aprub sa DILG

Organisadong pagbabakuna sa Las Piñas aprub sa DILG

June 22, 2021 @ 10:07 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Pinuri ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas dahil sa organisadong pagsasagawa ng baksinasyon sa mga vaccination sites sa lungsod.

Ang papuring natanggap ng Las Piñas ay nanggaling kay DILG Undersecretary for Mindanao Affairs and Special Concerns Marjorie Jalosjos makaraang bisitahin niya kahapon (Hunyo 21) ang ilang vaccination sites sa lungsod para i-monitor at i-check ang programang baksinasyon ng lokal na pamahalaan.

Sa kanyang pagbisita sa lungsod ay nakita ni Jalosjos na ang 18 vaccination sites ay maayos na pinapatakbo ng mga namamahala sa baksinasyon kung kaya’t ito ay kanyang pinapurihan.

Ayon naman kay Las Piñas Vice Mayor April Aguilar, kanya namang pinasalamatan si Jalosjos sa papuri nito sa lungsod na hanggang sa kasalukuyan ay naghahanap pa rin ng iba pang lugar para sa vaccination sites kung sakali mang mangailangan pa rin nito.

Sinabi ni Aguilar na nakatuon ang pansin ng lokal na pamahalaan na makamit ng lungsod ang herd immunity sa pamamagitan ng pagsasagawa ng massive vaccination program.

Sinabi rin ni Aguilar na kapag dumating na ang bakuna sa lungsod ay agad na isasasagawa ng lokal na pamahalaan ang pag-iskedyul ng vaccine rollout sa 18 vaccination sites na mayroon sa buong lungsod.

Pinarangalan naman ni Aguilar ang mga medical frontliners at staff sa mga vaccination sites dahil sa kanilang tuyloy-tuloy na pagtatrabaho dahil na rin sa patuloy na pagdeliver ng vaccines sa mga vaccination sites.

Sa pagtatapos ng vice-mayor ay sinabi nito na nais ni Mayor Imelda Aguilar ang mabilisang pagsasagawa ng programang baksinasyon sa lungsod. James I. Catapusan


  •  
  •  
  •