OSG sa ICC: Hirit na PH drug war probe, ‘wag pagbigyan

OSG sa ICC: Hirit na PH drug war probe, ‘wag pagbigyan

September 9, 2022 @ 7:23 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pormal nang hiniling ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court na tanggihan ang hirit ng ICC Office of the Prosecutor (OTP) na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa war on drugs sa panahon ng Duterte administration.

Inihayag ito ni Solicitor General Menardo Guevarra nitong Huwebes.

Aniya, ang kanyang tanggapan na kumakatawan sa Pilipinas sa mga paglilitis, ay nagsumite ng “obserbasyon” nito noong Setyembre 8, sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa The Hague, Netherlands, sa kahilingan ng ICC OTP na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa drug war sa bansa.

Hiniling ng Pilipinas sa pre-trial chamber (PTC) ng ICC na tanggihan ang kahilingan ng OTP na ipagpatuloy ang imbestigasyon nito sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na ginawa sa panahon ng “gyera kontra droga” sa pagitan ng Hulyo 2016 hanggang Marso 2019, kabilang ang Rehiyon ng Davao sa pagitan ng Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016.

“The ICC has no jurisdiction over the situation in the Philippines. The alleged murder incidents that happened during the relevant period do not constitute “crimes against humanity,” considering that said incidents do not qualify as an “attack” against the civilian population. Furthermore, the said occurrences were not in furtherance of a state or organizational policy to commit such attack,” anang OSG.

Binigyang-diin ng gobyerno ng Pilipinas na ang mga reklamong inihain sa ICC ay iniimbestigahan na at iniuusig ng mga kaukulang ahensya at ang estado ay kayang pamahalaan ang mga imbestigasyong ito.

Inilakip sa isinumiteng ulat ang mga detalye ng pag-usad ng imbestigasyon.

Sa pagbanggit sa mga principle ng international law, sinabi rin ni Guevarra na ang mga hakbang sa pagsisiyasat sa antas ng estado tulad ng mga kasalukuyang isinasagawa ng Pilipinas ay “dapat unahin” at dahil dito, “ang pagbabalik ng pagsisiyasat sa sitwasyon ng Pilipinas (ay) hindi nararapat.” RNT