Otomatikong nominasyon ng isa sa mga nagpatalsik kay Sereno, tinanggap na

Otomatikong nominasyon ng isa sa mga nagpatalsik kay Sereno, tinanggap na

July 25, 2018 @ 12:55 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Tinanggap ni Associate Justice Lucas Bersamin ang nominasyon sa kanya ng Korte Suprema para sa pwesto ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, isa sa mga miyembro ng Judicial and Bar Council o JBC, tinanggap na ni Bersamin ang nominasyon para sa pagka-Chief Justice ng SC.

Kauna-unahan din si Bersamin na tumanggap ng otomatikong nominasyon mula sa iba pang senior justices.

Kasama ni Bersamin sa listahan ng mga nominado sina Associate Justice Presbitero Velasco, Jr., Teresita Leonardo-De Castro at Diosdado Peralta.

Habang si Acting Chief Justice Antonio Carpio ay una nang tumanggi sa  nominasyon.

Ang deadline ng aplikasyon at nominasyon ay itinakda ng JBC bukas.

Sa August 3, 2018 naman ang unang deliberasyon ng lupon para sa pagka Chief Justice.

Si Bersamin ay isa sa walong mahistrado na bumoto sa pagpapatalsik kay Sereno sa pwesto at isa rin sa mga pabor sa paglubing ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Panlima si Bersamin sa mga senior na mahistrado sa Supreme Court na itinalaga noong 2009 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nauna rito ay naging Court of Appeals justice din si Bersamin at kabilang sa mga nagpalabas ng freeze order sa mga bank account ni dating Agricultural department official Jocelyn “Joc-Joc” Bolante noong 2008. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)