‘Outdated’ system mitsa ng glitch na nagsara sa PH airspace

‘Outdated’ system mitsa ng glitch na nagsara sa PH airspace

January 2, 2023 @ 7:42 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inaasahang manunumbalik ang kabuuang flight operations sa Manila sa loob ng tatlong araw, subalit sinabi ng  transport officials na bilyong pisong halaga ng upgrades ang kinakailangan upang hindi na maulit ang  technical issues na nagsara sa Philippine airspace sa daan-daang flight nitong Linggo, na nakaapekto sa libo-libong pasahero.

Hindi bababa sa 282 flights ang nakansela, na0divert o naantala nitong New Year’s Day dahil sa naitalang technical issue ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC) bandang alas-9:50 ng umaga, Halos 56,000 pasahero ang apektado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Base sa flight tracker Flightradar24.com, walang flight sa Philippine airspace.

Sa press conference nitong Linggo, inihayag ni CAAP Director General Manuel Tamayo na pumalya ang isa sa uninterruptible power supplies (UPS) nitong Linggo ng umaga, at kinailangang magsagawa ng troubleshooting activities.

Nang mag-reconnect na ang system sa power supply, nagpalabas naman ng abiso bandang tanghali dahil sa over voltage. Nakaapekto naman ito sa very small aperture terminal (VSAT), na kinailangan ding tugunan.

“As what was mentioned, medyo luma na ‘to. Like anything mechanical, electrical, we cannot give you any assurances,” ani Tamayo.

“What we have been doing in CAAP, we budgeted P124 million to do some upgrades on the system and that is due this year, 2023, for procurement… Hopefully this will help extend the life,” dagdag niya.

Sinabi ni Tamayo na madalas na imo-monitor ng CAAP ang system, na araw-araw nang ginagawa, dahil ito umano ang unang pagkakataon na nangyari ang insidente matapos bilihin ang system noong 2018.

Sinabi naman ng Department of Transportation (DOTr)  na partially restored na ang sistema hanggang nitong Linggo, alas-4 ng hapon at nagbalik-operasyon na ang flights.

“We really need to have a backup system na sana located in a different location. Hindi ‘yung malapit dito sa area where we have the existing system,” giit ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa briefing.

“Of course we will need to have a budget for this so pag-aralan natin ‘to. We will do a feasibility study and present this to NEDA kasi napakaimportanteng system ito na dapat mayroon ang aviation sector ng Pilipinas,” dagdag niya.

Sinabi pa ng DOTr Secretary na hindi lingid sa kaalaman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sitwasyon at naipagbigay-alam na sa kanya ang updates hinggil dito.

“We already presented this problem and sabi nga namin we really need to have this system. What happened today, mapipilitan tayong madaliin ‘yung paggawa or pagkakaroon ng backup system,” aniya. RNT/SA