Outgoing PCOO sec: FOI policy ituloy

Outgoing PCOO sec: FOI policy ituloy

May 22, 2022 @ 2:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Irerekomenda ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa incoming secretary ng ahensya na ituloy ang Freedom of Information (FOI) policy ng administrasyong Duterte, ayon sa opisyal nitong Linggo.

Sinabi ni acting Deputy Presidential Spokesperson Undersecretary Kris Ablan na naihanda na ng PCOO ang transition report nito para sa susunod na kalihim, kasama ang mga ahensya nito na Philippine Information Agency, National Printing Office, Bureau Communications Office, at Radio Television Malacañang.

“Marami kaming ie-endorse sa bagong secretary na sana i-continue niya. Unang-una diyan ‘yung programa ko which is Freedom of Information – a mechanism or tool for transparency,” aniya.

Ang FOI, na tinatawag ding “right to information”, ay isa sa fundamental human rights sa maraming international treaties, national constitutions, maging sa domestic laws.

Binanggit ni Ablanna halos 150,000 requests sa iba’t ibang ahensya ang na-proseso na ng PCOO.

Gayundin, inaasahan ni Ablan na itutuloy ng susunod na administrasyon ang Visayas Media Hub at Government Communication Academy projects ng kasalukuyang administrasyon.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng PCOO bilang media content creator na nakapagbigay ng trabaho sa 140 empleyado.

“Kapag hindi sumang-ayon ang papasok na kalihim na ipagpatuloy ang pagiging content creator, lahat sila ay mag-e-endo by June 30,” pahayag niya. RNT/SA