Overcharging ng mga gamot iimbestigahan ni Go



Overcharging ng mga gamot iimbestigahan ni Go

July 21, 2020 @ 10:02 AM 11 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Handang imbestigahan ni Senador Bong Go ang nababalitang ‘overcharging’ ng mga gamot sa mga ospital na isinasama na lang sa total bill ng mga pasyente na may COVID-19 man o wala.

“Walang choice ang pasyente kundi bayaran ito upang magamot at makauwi,” ang pahayag ni Go.

Nakakalungkot aniya na dahil sa oras na dapat magdamayan at magmalasakit ang isa’t isa, ay mayroong mga tao na pinipiling pagsamantalahan pa ang kapwa nila Pilipino.

Nabalitaan din aniya na mayroong iilang mga gamot na mahirap hanapin at hindi nabebenta o napapamahagi sa mga nangangailangan nito.

“Hindi tayo dapat pumayag na pagsamantalahan ng iilan ang sitwasyon kung saan ang mga mahihirap ay namamatay na lang dahil hindi makabili ng gamot,” ayon kay Go.

Sinabi pa niya na dapat ay pantay-pantay at hindi lang ang mga may kaya sa buhay ang makakabili ng mga gamot na kailangan upang gumaling.

Ngayon palang aniya ay dapat ng siguraduhin na na may kapasidad ang gobyerno na gawing ‘available, accessible at affordable ang iba’t ibang mga medisina na kailangan ng mga may sakit.

At kapag dumating na ani Go ang panahon na mayroon nang vaccine at gamot laban sa COVID-19, dapat handa ang nasa pamahalaan na mabigyan ang lahat ng Pilipinong nangangailangan nito, mahirap man o mayaman.

“As I have said many times before, healthcare is a right, not a commodity. We must prioritize the general welfare of our people over the business profits of a few. Unahin natin palagi ang interes, kapakanan at buhay ng ordinaryong mga Pilipino,” diing pahayag ni Go.

Samantala, hinikayat ni Go ang Department of Health (DoH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na tiyakin ang ‘availability, accessibility at affordability’ ng mga gamot na kailangan ng mga filipino lalo pa’t nagpapatuloy ang health crisis dulot ng COVID-19.

Hiniling nito sa DOH at Department of Trade and Industry (DTI) na rebisahin ang listahan ng mga gamot na kasama sa Executive Order 104 na magpapataw ng Maximum Drug Retail Prices sa ilang gamot at medisina alinsunod sa Cheaper Medicines Act. EO 104 na ipinalabas bago pa ang deklarasyon ng public health emergency.

Ang mga medisina naman na may kaugnayan sa paggamot ng COVID-19 at kaugnay na kondisyon ay marapat na ikonsidera na ngayon.

Sa pamamagitan ng pagpapalawig sa listahan kabilang na ang MDRP at posibleng pagsama sa mga gamot at medisina na maaaring makatulong sa paggamot sa mga pasyente na mayroong COVID-19 at iba pang may kaugnayan na sakit at malaganap na sakit ngayon ay tiniyak ni Go sa mga Filipino na maglakaroon ang mga ito ng access na makabili ng abot-kaya sa bulsa na mga medisina at hindi na aniya mararanasan ng mga ito ang abusive business practices na sinasamantala ang kanilang kahinaan sa panahon ngayon ng national health emergency. Kris Jose


  •  
  •  
  •