Overpriced laptop probe isinara na, tunay na presyo natuklasan

Overpriced laptop probe isinara na, tunay na presyo natuklasan

October 21, 2022 @ 5:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tuluyan nang isinara ng Senate Blue Ribbon Committee ang isinasagawang imbestigasyon sa P2.4 bilyong halaga ng overpriced at outdated na laptops ng Department of Education na binili sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa pahayag, ibinulgar ni Senador Francis Tolentino, chairman ng komite, na base sa dokumentong nakalap, natuklasan na aabot lamang sa P26,000 ang presyo ng kada yunit ng laptop kumpara sa binayarang P58,300 kada yunit.

Aniya, kasama sa P26,000 ang buwis na babayaran, at iba pang bayarin sa gobyerno.

“It may be recalled that the cost per unit of the laptops procured through the PS-DBM was Php58,300, revealing that the purchased laptops were more than Php30,000 above the discovered original price,” ani Tolentino.

Bago magtapos ang pagdinig, inilatag ng Commission on Audit (COA) ang audit findings sa kada presyo ng yunit ng biniling laptop na dapat sana ay gagamitin ng mga guro sa pampublikong paaralan, na mahigit 100% mas mataas.

Natuklasan din ng lupon na mayroon pang 1,678 laptops ang hindi pa naipapamahagi at nakaimbak lamang sa warehouse ng DepEd.

“So ibig sabihin, 1,678 teachers should have benefitted. And per teacher, lagyan natin ng times 30 students…48,000 students should have benefitted. Sayang. Sayang,” ani Tolentino.

Sa press conference, malaki ang paniniwala ni Tolentino na mayroon sabwatan ang mga pangunahing opisyal na sangkot sa pagbili.

“Yung conspiracy angle is still there. So hindi ko masabi kung ano-ano yung role nung mga conspirators pero kung nanood kayo simula kaninang umaga, more or less nakuha niyo yon,” ayon kay Tolentino.

Aniya, nakatakdang ilabas ang committee report sa unang bahagi ng Nobyembre.

Sinabi ni Tolentino na bibigyan ng pagkakataon ang lahat ng sangkot kabilang ang lahat ng resource persons at saksi na magbigay ng kanilangpanig at rebuttal sa pamamagitan ng pagsusumite ng memorandum sa loob ng 15 araw sa tulong ng sarili nilang abogado.

“Yung memorandum ay parang pagkakataon doon sa mga hindi nabigyan nang pagkakataon mag-salita, ipaliwanag yung kanilang side, at i-rebut naman, i-contradict yung nag-didiin sakanila para may pagkakataon silang mabigyan ng panahon na ma-air yung kanilang side kasi baka sabihin nila, hindi naman kami binigyan ng pagkakataon mag salita. Binibigyan namin kayo ng pagkakataong sabihin yung gusto niyong sabihin sa papamagitan ng memorandum na ginawa at assisted kayo ng inyong abogdao. [This is] verified – ibig sabihin under oath,” aniya. Ernie Reyes