Overseas voting ‘di palalawigin – Comelec

Overseas voting ‘di palalawigin – Comelec

April 19, 2022 @ 10:03 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na hindi na palalawigin pa ang overseas voting (OV) dahil labag ito sa Konstitusyon.

Sinabi ni Commissioner Marlon Casquejo na hindi posible ang pagpapalawig ng voting period para sa mga Filipino sa ibayong dagat dahil nakasaad sa batas na pinapayagan  lamang ito hanggang sa aktwal na araw ng halalan sa Pilipinas.

Mayroong 1,697,090 rehistradong botanteng Pilipino sa ibayong dagat.

“Hindi nangyayari ang extension kasi hanggang May 9 lang, Philippine time. Hindi tayo maaaring lumampas sa Mayo. That would be a violation of the Constitution,” aniya sa demonstrasyon ng vote counting machine (VCM) sa isang mall sa Pasay City noong Lunes.

Ang ideya ng pagpapalawig ng mga botohan ay lumutang pagkatapos ng mga ulat na may mga pagkaantala sa simula ng panahon ng pagboto noong Abril 10.

“Naresolba na ang naantalang pagdating ng mga balota. Isang araw na delay lang,” paglilinaw naman ni Casquejo.

Gayunman, sinabi niya na nababahala sila sa 1,991 Filipino voters sa Shanghai na naka-lockdown dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

“Ang isyu lang talaga is Shanghai. Tingnan natin kung ano ang magiging desisyon ng en banc. Sa ngayon, suspendido pa rin hanggang sa oras na maalis ang lockdown,” ani Casquejo. RNT